Apat na katao, na kinabibilangan ng dalawang bumbero, ang nasaktan at nasugatan sa isang sunog na sumiklab sa Quiapo, Manila nitong Linggo ng madaling araw, Hulyo 21.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang sa mga iniulat na nasaktan at nasugatan sa sunog sina FO2 Claro Dulnuan, 34, ng Sta. Mesa Fire Station, na nahirapang huminga at nahilo; FO3 Daryl Aquilando, 35, ng San Nicolas Fire Station, na nagtamo ng hiwa sa daliri; Kenneth Manonog, 23, na nahirapang huminga matapos na makalanghap ng makapal na usok; at Cliff Osmeña, 17, na nasugatan din sa daliri.
Lumilitaw na dakong ala-1:35 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa bodega ng mga tumblers, sa Calero St., kanto ng Claro M. Recto Avenue sa Quiapo.
Umabot ng ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang under control dakong alas-5:30 ng madaling araw.
Tinatayang aabot sa ₱15M ang halaga ng mga ari-ariang napinsala ng sunog, na tinutukoy pa ng mga imbestigador ang pinagmulan.