November 15, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Kuda ni Willie patungkol sa TV ratings, katapat na show patutsada sa GMA Network?

Kuda ni Willie patungkol sa TV ratings, katapat na show patutsada sa GMA Network?
Photo courtesy: Screenshot from TV5

Bukod sa panenermon niya on-air sa production staff ng "Wil To Win" dahil daw sa ilang kapalpakan, usap-usapan din ang naging pahayag ng TV host-producer nitong si Willie Revillame patungkol sa TV ratings.

MAKI-BALITA: Willie uminit-ulo, pinagalitan ang production staff ng 'Wil To Win' sa ere

Sa mga TV network, mahalaga ang mataas na ratings sa isang TV program dahil ibig sabihin, maraming nanonood at sumusubaybay rito, at kapag maraming manonood, marami rin ang advertisement. Sa advertisement nabubuhay ang isang TV program.

Sa isang episode ng Wil To Win, sinabi ni Willie na ang tunay na ratings para sa kaniya, ay ang audience ng programa.

Tsika at Intriga

Negosyo, nalugi! Ken Chan, 'di raw tinatakbuhan isinampang kaso sa kaniya

"Alam n'yo ho, nakakatuwa ang buhay. Bakit? Para sa akin, para sa akin ang tunay na ratings, kayo," turo ni Willie sa studio audience.

"Kung may makikita kayong ipinakikita nilang ratings nila, mataas sila, hindi ho kami naaapektuhan. Kasi ang puso namin, mamigay ng saya at pag-asa sa inyo... basta kami tuloy-tuloy lang magtrabaho, dito sa TV5, aayusin namin mapasaya kayo araw-araw. At ang importante, ang show na 'to, original. Inisip ito para sa inyo. Hindi ito binibili sa ibang bansa. Ito po ay habambuhay, 'pag kaya namin, may programa kayo," giit pa ni Willie.

Ang katapat na programa ni Willie sa GMA Network ay "Family Feud Philippines" ni Dingdong Dantes, na isang franchise. Nabanggit din ni Willie na itinapat daw sa programa niya ang isang episode nito noong Hulyo 15 kung saan naging guest ang Soriano family na kinabibilangan ng Diamond Star na si Maricel Soriano, at anak niyang si Meryll Soriano.

"Saka ang nakakatuwa ho, no'ng nag-live ako kahapon, 'yong anak ko (Meryll Soriano), si Ms. Maricel (Soriano), at 'yong aking mga ano, itinapat pa sa programa ko. So ibig sabihin, bakit? Ano 'yo, labanan ba 'to? Hindi. Tulungan natin ang mga kababayan nating naghihirap," saad pa ni Willie.

Binarda naman si Willie ng isang X user na nagngangalang "Bortang Barbie Girl" na umani ng maraming retweets at interactions.

"Willie Revillame lumabas ang pagiging inggrata! Nagpatama sa GMA matapos matalo sa ratings ang pilot episode ng kaniyang programa. Dinamay pa si Maricel at Meryll Soriano. Kalocca!" mababasa sa X post, na pumalo na sa 1M views ang naka-attach na video.

Photo courtesy: Screenshot from Bortang Barbie Girl (X)

Bago bumalik sa TV5, nagsilbing tahanan ng "Wowowin" ni Willie ang Kapuso Network, bago siya umalis dito at lumipat sa ALLTV ng kaibigang si dating Senate President Manny Villar. 

Samantala, wala pang tugon, pahayag, o reaksiyon ang pamunuan ng Family Feud PH o ng GMA Network patungkol sa isyung ito.