January 23, 2025

Home FEATURES Balitang Pag-Ibig

Grade 12 graduate, umamin sa crush niya sa mismong graduation ceremony

Grade 12 graduate, umamin sa crush niya sa mismong graduation ceremony
Photo Courtesy: Screenshots from National Teachers College (YT)

Nag-trending ang video clip ni Eds Karol Gatbonton matapos niyang magtapat ng nararamdaman sa crush niya sa pamamagitan ng kaniyang graduation speech bilang recipient ng Gawad Sibol, ang pinakamataas na parangal na maaari umanong matanggap ng isang senior high school graduate sa National Teacher’s College (NTC).

Sa isang bahagi ng kaniyang talumpati, inisa-isa ni Eds ang mga taong naging bahagi ng kaniyang senior high school life para pasalamatan. Isa na rito ang tinatangi niyang babae.

“To my Potassium, Vitamin K, from HUMSS 2, Miss Kaye Alvarez Bagasina, hi. Congrats, Kaye. Teka, nagba-blush ako, e,” saad ni Eds.

Dagdag pa niya: “A, basta. Crush kita. I’ve always admired you from afar. And I would like to take this opportunity to thank you for motivating me to be the best version of myself para sa ‘yo.”

Balitang Pag-Ibig

National Boyfriend Day? Ilang viral wedding proposals na inulan ng Sana-all!

Dahil sa sinabing ito ni Eds, napuno ng kilig ang buong World Trade Center. Sumabog ang malalakas na tilian at sigawan ng mga kapuwa niya estudyante.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Eds, inamin niyang matagal na raw niyang gustong magtapat ng nararamdaman kay Kaye. Pero wala raw sa plano niya na umamin sa mismong graduation ceremony.

“We were a part po kasi of the same theater club sa school po namin, and plano ko po magconfess sa farewell party po namin before graduation, kaso di po siya pumunta,” saad niya. 

Ayon kay Eds, sobrang appreciative na tao raw si Kaye kaya niya hinangaan ang dalagita. Nagsimula raw ito noong minsang ma-ospital siya.

“No’ng na-ospital po ako due to Potassium Deficiency, siya lang po yung one of the only people na nag-chat sa ‘kin na ‘get well soon.’ Since then po, lagi ko na po siyang naiisip as my motivation to do better,” aniya.

Sa kasalukuyan, nananatili raw sila ngayon ni Kaye bilang isang mabuting magkaibigan sa kabila ng pagtatapat niya rito ng pag-ibig. 

Sinabi naman daw kasi niya na anoman ang mangyari, suklian man ni Kaye o hindi ang pagmamahal niya, mananatili kung ano ang relasyon nila. 

“At least nasabi ko na po ang dapat ko pong sabihin, and wala na po akong regrets afterwards. It was a wholesome moment po for everyone involved,” sabi pa ni Eds.

Sa Eds ay nagtapos ng senior high school sa ilalim ng Technical-Vocational Livelihood (TVL) track na Information and Communication Technology strand.