Hindi dadalo si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa nakatakdang Senate hearing sa Miyerkules, Hulyo 10, dahil “na-trauma” ito sa naging pagtrato ng Senado sa kaniya, ayon sa kaniyang abogado nitong Martes, Hulyo 9.
Sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ng abogado ni Guo na si Atty. Stephen David na magpapadala na lamang sila ng excuse letter sa Senado.
Samantala, matatandaan namang naglabas na ng subpoena ang Senado laban kay Guo para dumalo ito sa pagdinig hinggil sa na-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
Nakatanggap din ang alkalde ng babala mula kina Senador Risa Hontiveros at Senador Win Gatchalian na maaari siyang ma-contempt at maaresto kapag hindi pa siya nagpakita sa pagdinig at sagutin ang mga alegasyong ibinabato sa kaniya.
MAKI-BALITA: Mayor Alice Guo, wala nang lusot kaya nagpapa-victim—Hontiveros
Bukod naman sa isyu ng POGO hub ay kasalukuyan ding iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kontrobersyal na identidad ni Guo.
Matatandaang kamakailan lamang ay isiniwalat ni Hontiveros na kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa lamang si Guo at ang isang Chinese national na “Guo Hua Ping.”
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Pormal namang inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Tarlac City Regional Trial Court ang petisyong kanselahin ang birth certificate ng alkalde.
MAKI-BALITA: Petisyong kanselahin birth certificate ni Alice Guo, inihain ng OSG