December 23, 2024

Home BALITA Metro

‘Back-to-School Shoe Bazaar’ sa Marikina City, bukas na

‘Back-to-School Shoe Bazaar’ sa Marikina City, bukas na

Magandang balita dahil bukas nang muli ang taunang Balik-Eskwela Shoe Bazaar sa Marikina City, na tinaguriang ‘Shoe capital of the Philippines.’

Nabatid na ang shoe bazaar na matatagpuan sa Marikina Freedom Park, sa tapat ng Marikina City Hall, ay pormal nang binuksan ng pamahalaang lungsod nitong Lunes, Hulyo 8.

Tampok sa naturang shoe bazaar ang nasa 43 leather goods stalls, kung saan makakabili ng magaganda, matitibay at murang-murang mga sapatos na magagamit ng mga estudyante sa kanilang pagbabalik-eskwela sa katapusan ng Hulyo.

Mananatili umanong bukas ang shoe bazaar hanggang Agosto 18.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Mismong si Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro naman ang nanguna sa ribbon-cutting ceremony, para sa opisyal na pagbubukas ng bazaar, kasama ang mga Marikina City councilors, at iba pang opisyal ng city government.

“Napakalaking serbisyo po nito sa mga kababayan natin, hindi lang mga taga-Marikina, kundi pati sa mga karatig pook natin,” mensahe pa ng alkalde sa aktibidad.

“Makakakuha sila ng sapatos na matibay, sapatos na maganda, sapatos na functional, at reasonably priced,” aniya pa.

Hinikayat din naman ng alkalde ang publiko na sa shoe bazaar na lamang bumili ng sapatos para sa kanilang mga anak, dahil bukod sa makakatipid na sila ay makatutulong pa sa mga lokal na negosyo sa bansa.

“At marami rin tayo natutulungan, pati sa kanilang kabuhayan, nakikita ko ang ibang bumibili rito, hindi lang naman isang piraso lang, kundi may mga bumibili rin by bulk,” aniya.

Nagpaabot din naman si Mayor Teodoro nang pasasalamat kay Tony Andres, chairperson ng Philippine Footwear Federation, Inc., at lahat ng taong nag-organisa sa shoe bazaar.

“Salamat po, salamat sa lahat ng naririto, sa mga nagtataguyod na patuloy nitong endeavor na ito,” aniya.