Matapos kumpirmahin ng National Bureau of Investigation (NBI) na nag-match ang fingerprint nina Suspended Mayor Alice Guo at Gua Hua Ping, sinabi ni Senador Win Gatchalian na nalusutan ang Pilipinas ng isang 'pekeng Pilipino' na naging mayor.
Matatandaang si Gatchalian ang unang naglabas ng isang dokumento na nagsasabing may posibilidad umanong “Guo Hua Ping” ang tunay na pangalan ni Mayor Alice.
“Alice Guo might be Guo Hua Ping, who entered the Philippines on January 12, 2003 when she was 13 years old. Her real birth date is on Aug 31, 1990,” ani Gatchalian sa mga mamamahayag kamakailan.
BASAHIN: Mayor Alice Guo, may tunay nga bang pangalan na ‘Guo Hua Ping’?
Sa kaniyang panayam sa TeleRadyo nitong Biyernes, Hunyo 28, masasabing 101 percent na si Guo Hua Ping ay si Mayor Alice.
"Ngayon talagang masasabi na natin na 101 percent na si Guo Hua Ping ay si Alice Guo. Dahil nga ang fingerprint sabi ni NBI Director Santiago kahapon [ay] infallible, ibig sabihin hindi nagkakamali 'yan. Bawat isang tao, mayroong iisang fingerprint lang. Kahit kambal, hindi nagkakaparehas ng fingerprint. At nagagamit ito sa korte," saad ng senador.
"Alam naman natin na maraming krimen ang nareresolba dahil sa fingerprint. So, 'yung fingerprint matching ng NBI ay ebidensya at patunay na iisang tao lang sina Guo Hua Ping at Alice Guo," dagdag pa niya.
Binanggit din ni Gatchalian na nag-endorso na ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa Office of the Solicitor General (OSG) para kanselahin ang birth certificate ni Guo.
Susunod daw nito ay maghahain ng quo warranto ang OSG para matanggal sa puwesto si Guo bilang mayor ng Bamban, Tarlac.
"At 'yan ang pinakaimportante dahil nalusutan tayo eh. Isang dayuhan, isang pekeng Pilipino naging mayor. Kung hindi pa pumutok itong POGO hub, eh baka nagtuloy-tuloy na 'yan, nag-senador at iba pang puwesto. Kaya nakakatakot. Ako natatakot ako na ganitong kalaking butas sa ating proseso, naaabuso ng mga dayuhan, at nakatakbo bilang isang lingkod bayan," saad pa ni Gatchalian.
Nitong Huwebes, Hunyo 27, kinumpirma na ng NBI kay Hontiveros na si Alice Guo at Gua Hua Ping ay iisa dahil pareho raw ito ng fingerprint.
"This confirms what I have suspected all along. Pekeng Pilipino si "Mayor Alice" — or should I say, Guo Hua Ping. She is a Chinese national masquerading as Filipino citizen to facilitate crimes being committed by POGO," sabi ng senadora.
BASAHIN: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Bago rin makumpirma ng NBI ang tungkol dito, isinapubliko ni Hontiveros nitong Miyerkules, Hunyo 26, ang dalawang NBI document kung saan mayroong dalawang “Alice Leal Guo” at pareho rin sila ng birthday na Hulyo 12, 1986.
BASAHIN: ‘STOLEN IDENTITY?’ Mayor Alice Guo, hindi tunay na 'Alice Leal Guo'?