Arestado ang apat na kabataan na pawang wanted dahil sa kasong pagpatay sa Sta. Ana, Manila.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Gedrick Rodillas, 18, tricycle driver, ng San Andres Bukid, Manila at itinuturing na Top 1 most wanted person (MWP) sa station level; AJ Atienza, 18, tricycle driver, ng San Andres Bukid, Manila, na itinuturing na Top 4 MWP sa station level; at dalawang 16-anyos na lalaki, na hindi na pinangalanan dahil sa pagiging menor de edad ng mga ito, ngunit kapwa itinuturing na Top 2 at Top 3 MWP sa station level.

Metro

Tricycle driver, pinagtulungang patayin ng mga kapitbahay?

Batay sa naantalang ulat ng Warrant and Subpoena Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-5:45 ng hapon ng Biyernes nang maaresto ang mga suspek sa Zobel Roxas St., sa Sta. Ana, Manila.

Nauna rito, may nakapagbigay umano ng tip sa mga awtoridad hinggil sa kinaroroonan ng mga suspek kaya’t kaagad nagkasa ng operasyon laban sa kanila.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang silbihan ng mga awtoridad ng warrant of arrest para sa kasong murder na inisyu ni Hon. Cristina Javalera Sulit, presiding judge ng Makati City Regional Trial Court Branch 140 noong Hunyo 13, 2024.

Nag-ugat ang kaso matapos na pagsasaksakin umano ng mga suspek ang text mate ng nobya ni Rodillas sa P. Ocampo St., sa Brgy. La Paz, Makati City, dakong alas-8:20 ng gabi noong Disyembre 1, 2023.

Lumitaw sa imbestigasyon ng Makati City Police, na selos umano ang pinagmulan ng krimen. Nauna rito, nakita umano ni Rodillas na may ka-text mate ang kanyang nobya sa cellphone nito.

Dahil sa selos, pinilit umano ng suspek ang nobya na makipagkita sa kanyang text mate sa isang gasolinahan sa naturang lugar.

Nang dumating ang biktima, tinawagan pa umano ni Rodillas ang kanyang mga katropa at saka pinagtulungang bugbugin at tatlong ulit na saksakin ang biktima na nagresulta sa pagkamatay nito