Inalmahan ni Senador Bong Go ang mga kumakalat daw sa TikTok na pumanaw na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang Facebook live nitong Huwebes, Hunyo 20, sinabi ni Go na hindi totoo ang mga kumakalat sa TikTok na may masamang nangyari kay Duterte.
“He’s alive ang kicking, at binabati kayo,” ani Go habang ipinapakita sa camera ang dating pangulo.
Pahayag naman ni Duterte, matanda na siya at tapos na ang kaniyang karera sa politika, ngunit pakiramdam daw niya ay hindi pa siya mamamatay.
“Ako po'y matanda na at hindi natin maiwasan ‘yung balita na nagkasakit. Wala naman na akong sakit, at feeling ko hindi naman ako mamamatay ngayon kaagad,” ani Duterte.
“Huwag kayong magtaka kung mamamatay ako. Mas mabuti pang magtanong 'bakit ba buhay pa ‘yan, bakit ayaw na magpahinga, matanda na.’ Pero kung sabihing nabalitaan ninyo, may chismis na namatay ako, lahat tayo, ikaw, ako, lahat ng kaharap ko sa mundong ito, mamamatay tayo. Hindi ako exception. May katandaan na ako, tapos na akong magsilbi sa buong buhay, sa bayan ko, sa taumbayang Pilipino,” saad pa niya.
Kaugnay nito, binalaan ni Go ang publikong huwag magpakalat ng mga maling impormasyon, at “very healthy” raw ang dating pangulo.
“[He’s] alive and kicking. Syempre may edad na po si dating Pangulong Duterte, kahit papaaano may kaunting sakit, pero at his age, he’s very healthy,” saad ni Go.
Sinabi rin ng senador na hindi niya papabayaan ang dating pangulo na labis daw niyang minamahal.
“Ang commitment ko sa kaniya, lalo na sa kaniyang medical, hinding hindi ko po papabayaan ang ating dating Pangulong Duterte. Hanggang kamatayan po ang aking commitment sa kaniya, at mahal na mahal ko po siya,” ani Go.
Ang naturang pahayag naman ni Go ay matapos siyang patutsadahan kamakailan ng anak ng dating pangulo na si Davao City Mayor Baste Duterte dahil hindi umano siya tumitindig para sa mga Davaoeño.
https://balita.net.ph/2024/06/18/baste-duterte-mas-bilib-kay-risa-hontiveros-kaysa-kay-bong-go/