Sa unang pagkakataon, pinatutsadahan ni Davao City Mayor Baste Duterte ang kumpare niyang si Senador Bong Go, na kilala ring malapit sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isinagawang Maisug Rally sa Angeles, Pampanga nitong Lunes, Hunyo 17, na inilabas ng SMNI Gikan sa Masa, Para sa Masa, sinabi ni Baste na kung alam lamang daw niyang hindi titindig at magsasalita si Go para sa mga Davaoeño, hindi na lang daw sana niya ito sinuportahan noong nakaraang eleksyon.

“Ikaw Bong Go, kumpare kita. Pero kung alam ko lang pala na magkakaganito, you know, ‘yung mga tao, kaming mga Davaoeño nagboto kami sa iyo. Kung alam ko na lang na ganito lang pala 'yung gagawin mo, sana hindi na lang,” giit ni Baste.

Samantala, sinabi naman alkalde na may oras pa raw si Go para “i-redeem” ang kaniyang sarili.

National

Kamara, nagdeklara ng suporta kay PBBM: ‘Let us rally behind our President!’

“Pare, Bong, you have time to redeem yourself. You have time na ipakita na you will stand by the Filipino people so your love, ‘yung pagmamahal mo sa bansa [ay] mas umaapaw pa kaysa sa pagmamahal mo sa sarili mo, kasi hirap na hirap na ang mga tao ngayon,” aniya.

Kaugnay nito, sa isang panayam na inilabas ng SMNI ay hinamon din ni Baste si Go na magsalita para sa mga Davaoeño, lalo na raw sa kasalukuyang nangyayari ngayon sa lugar.

“Kung gusto n’ya pang tumakbo ng senador ulit, show that he is one with the Davaoeños, especially in times like this,” saad ng alkalde.

Nang tanungin naman ang alkalde kung sa tingin niya iniwan na ni Go ang amang si dating Pangulong Duterte, sagot ni Baste: “Could be, possible. You know, politics, hindi mo talaga maano–you can never guess what will happen next in politics.”

Matatandaang kamakailan lamang ay kinuwestiyon ni Baste ang pagsibak sa 35 opisyal at tauhan ng Davao City Police Office habang iniimbestigahan umano ang pagkasawi ng pitong indibidwal sa anti-illegal drugs operation sa siyudad mula Marso 23 hanggang 26.

Samantala, nagsilbi si Go bilang Special Assistant to the President Secretary sa administrasyong Duterte.