Pormal nang kinasuhan si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, at iba pang mga indibidwal, sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa umano'y human trafficking na may kaugnayan sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa lungsod.

Nitong Biyernes, Hunyo 21, nagtungo ang mga opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang isampa ang kanilang reklamo laban kay Guo, 13 iba pa, kasama si dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan.

MAKI-BALITA: Dating gov’t official na sangkot sa PDAF scam, konektado rin sa POGO – Hontiveros

Umusbong ang naturang pagkaso matapos umanong makakuha ang mga awtoridad ng ebidensya laban sa alkalde na may kinalaman sa paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o Anti-Trafficking in Person Act kaugnay ng ni-raid kamakailan na POGO hub sa Bamban.

National

Mayor Alice Guo, may tunay nga bang pangalan na ‘Guo Hua Ping’?

“Lumabas na mga ebidensya dito tulad ng fact na siya ang nag-apply doon sa dating [letter of no objection] from the local government. Lumabas din ang kaniyang involvement doon sa lesser company,” ani Inter-Agency Council Against Trafficking chairperson and Justice Undersecretary Nicky Ty sa isang press briefing na inulat ng GMA News.

“At kasama rin ‘yung ibang ebidensya diyan katulad nung pangalan niya na lumulutang sa mga sabi-sabing document na nahanap sa POGO compound,” dagdag niya.

Habang sinusulat ito’y wala pa namang pahayag si Guo kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanila.

Samantala, matatandaang ang imbestigasyon din ng mga awtoridad at Senado ang dahilan kung bakit naungkat ang mga alegasyon hinggil sa identidad ni Guo.

Noon lamang Martes, Hunyo 18, ay inilabas ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang dokumento na nagsasabing may posibilidad umanong “Guo Hua Ping” ang tunay na pangalan ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Itinanggi naman ng alkalde na siya si “Guo Hua Ping.”