Hiniling ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na magsagawa ng “masusi at walang kinikilingang” imbestigasyon hinggil sa mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya.
Base sa ulat ng Manila Bulletin, sa pamamagitan ng kaniyang dalawang abogado ay ipinadala ni Guo ang kaniyang clarification letter para kay Executive Secretary Lucas Bersamin, chairman ng PAOCC, sa Malacañan Records Office nitong Martes, Hunyo 18.
Paliwanag ni Guo sa sulat, wala umanong ebidensyang magpapatunay na sangkot siya sa human trafficking, kidnapping, at money laundering.
Itinanggi rin ng nasuspindeng alkalde na may ugnayan siya sa Baofu Land Development, Inc.at sa anumang gaming operations.
"Wala akong direktang pakikilahok sa araw-araw na operasyon ng mga gaming operators, at ang mga desisyon ukol sa mga permit at lisensya ay saklaw ng ibang ahensya katulad ng PAGCOR,” ani Guo sa sulat.
Kaugnay nito, hiniling ni Guo sa PAOCC na magsagawa ng “masusi at walang kinikilingang imbestigasyon” sa mga paratang na ibinabato sa kaniya.
“Ako ay magalang at buong pagkukumbabang humihiling sa kagalang-galang na opisina ng PAOCC na magsagawa ng isang masusi at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga paratang na ito," saad ni Guo.
"Kumpiyansa ako na ang masusing pagsusuri sa mga katotohanan at impormasyon ay magpapatunay na wala akong kinalaman sa lahat ng akusasyon laban sa akin.”
"Sa kabila ng lahat ng ito, ako ay lubos na nakahandang makipagtulungan sa anumang proseso ng imbestigasyon at magbigay ng anumang kinakailangang dokumento o testimonya upang linisin ang aking pangalan," dagdag pa niya.
Matatandaang noon lamang Sabado, Hunyo 15, nang isiwalat ng PAOCC na maghahain ito ng "serious" at "non-bailable" criminal charges laban kay Guo.
Samantala, noong Hunyo 3, 2024 nang isailalim ng Ombudsman sa ‘preventive suspension’ si Guo, at dalawa pang local officials ng Bamban, sa loob ng anim na buwan dahil sa kanilang diumano’y pagkakasangkot sa POGO.
Pagkatapos nito’y naghain din ang kampo ng alkalde ng motion for reconsideration with urgent motion to lift preventive suspension sa Ombudsman.