Isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros na konektado rin umano ang dating opisyal at na-convict sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na si Dennis Cunanan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Sa isang Facebook post nitong Lunes, Hunyo 17, ipinakita ni Hontiveros ang dalawang dokumento kung saan nagsilbi umanong “authorized representative” si Cunanan para sa Hong Sheng Gaming Technology Inc. sa Bamban at sa Lucky South 99 Limited Co. sa Porac.

“Dating opisyal na sangkot sa PDAF scam, na si Dennis Cunanan, konektado din pala sa POGO sa Bamban at Porac! ,” ani Hontiveros.

Kamakailan lamang ay ni-raid ang naturang dalawang POGO companies dahil sa mga alegasyon ng human trafficking, pang-aabuso at iba pa umanong mga kriminal na aktibidad dito.

National

Amihan, shear line, easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH

Samantala, taong 2023 nang ideklarang guilty umano ang dating Technology and Resource Center Director General na si Cunanan kaugnay ng pagkakasangkot niya sa PDAF scam. Sinentensyahan siya ng 26 taong pagkakakulong.

“Cunanan figured in one of the largest corruption scandals our country has ever seen. Baka ‘yung ginawa niya sa PDAF ay ina-apply niya rin dito sa mga POGO,” giit ni Hontiveros.

“Pinapakita din nito na may koneksyon talaga ang Bamban at Porac na POGO. Tila nagsama-sama silang mga scammer,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, sa isa ring pahayag ay sinabi ng senadora na iimbitahan nila si Cunanan sa susunod na pagdinig ng Senado upang maipaliwanag umano niya ang naturang pagkakasangkot niya sa POGO.

“Basta may POGO, may koneksyon sa scam. Sabi ko nga, lahat ng POGO, masama,” saad ni Hontiveros.

“There is no differentiation between bad POGO or ‘good’ POGO. It seems that POGOs are deliberately tapping former and present officials they can easily corrupt,” dagdag niya.

Kaugnay nito, iginiit ng senadora na hindi umano nawawala ang POGO sa Pilipinas dahil maaaring may mga binabayaran silang mga opisyal ng pamahalaan.

“Kaya hindi matanggal-tanggal ang POGO sa bansa kasi mukhang may mga binayaran na silang mga opisyal. Alam ng POGO na malaking kahinaan ng Pilipinas ang korapsyon kaya sinasamantala nila ito,” aniya.

Si Hontiveros ang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na nag-iimbestiga sa umano’y pagkakasangkot ni Bamban Mayor Alice Guo sa POGO scams.