Nakatakda nang idaos ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR) sa susunod na linggo ang isang public hearing para sa minimum wage adjustment sa Metro Manila.
Sa abiso ng RTWPB-NCR, nabatid na idaraos ang naturang public hearing dakong alas-9:00 ng umaga sa Hunyo 20, sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.
Kaugnay ito ng petisyong natanggap ng RTWPB-NCR para sa minimum wage increase na inihain ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong Mayo 24, 2024, kung saan hinihiling ng naturang labor group na mataasan ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa mga pribadong establisimyento sa NCR ng P597.
Nabatid na ang current daily minimum wage sa NCR ay P610 para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector.
Nasa P573 naman para sa mga manggagawa sa agriculture sector, service/retail establishments na may empleyadong nasa 15 pababa at manufacturing establishments na regular na nag-e-empleyo ng wala pang 10 manggagawa.
Kasunod nito, hinihikayat naman ng RTWPB-NCR ang mga employer, manggagawa, employer associations, at labor organizations na lumahok sa naturang public hearing.
Maaari rin umano silang magsumite ng kanilang position papers sa RTWPB-NCR office sa 2nd Floor, DY International Building, San Marcelino cor. General Malvar Sts., Malate Manila o sa pamamagitan ng e-mail na [email protected], bago sumapit ang Hunyo 18, 2024.
Matatandaang sa 2024 Labor Day celebration sa Malacañang, inatasan ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga RTWPBs na rebyuhin ang minimum wage rates sa kani-kanilang nasasakupang rehiyon.