Pinagkalooban ng Manila City government ng libreng sakay ang mga commuters na naapektuhan ng tigil -pasada na isinagawa ng ilang transport groups sa bansa.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, si Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) head Arnel Angeles ang siyang nangasiwa sa 'Oplan Libreng Sakay' na inilunsad sa lungsod upang tulungan ang mga commuters.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Inianunsiyo rin ni Lacuna na naging mapayapa naman sa pangkalahatan ang strike na isinagawa sa lungsod, simula noong Lunes, Hunyo 10, at magtatagal hanggang Miyerkules Hunyo 12.

Sa ulat ni Angeles sa alkalde, nabatid na sa unang araw ng tigil-pasada, nag-deploy ang city government ng mga sasakyan ngunit wala namang commuters na naistranded.

Nitong Martes naman, sinimulan ang deployment ng Transporter 1 at Transporter 2 upang magbigay ng libreng sakay dakong alas-7:00 ng umaga.

Hindi naman agad natukoy kung gaano karami ang napagkalooban nito ng libreng sakay.

Bumiyahe umano ito mula ruta ng Paco-Rotonda-Nagtahan at pabalik, na siyang tanging ruta na naapektuhan ng tigil-pasada.

Nabatid na ang 'Oplan Libreng Sakay' ay patuloy na ipatutupad sa Miyerkules, mula 7:00AM hanggang 8:30PM, alinsunod sa kautusan ni Lacuna.