Pinasok ng mahigit 100 pulis ang compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City nitong Lunes, Hunyo 10, upang isilbi ang warrants of arrest ni Pastor Apollo Quiboloy.

Sa ulat ng Manila Bulletin, nagtungo ang mga pulis para arestuhin si Quiboloy ngunit hindi raw ito nakita ng mga ito.

Tinanggap naman ng abogado ng pastor ang warrants na inisyu ng Pasig City court para umano sa mga kasong qualified human trafficking cases na isinampa laban sa kaniya at sa limang iba pa.

MAKI-BALITA: Pasig RTC, naglabas ng arrest warrant laban kay Quiboloy

Ayon sa Davao City Police Office, ang naturang mga warrant ay resulta ng masusing imbestigasyon sa criminal charges umano na kinasangkutan ni Quiboloy at kaniyang mga tagasuporta.

Bukod sa naturang mga kaso ng qualified human trafficking, nahaharap din ang pastor sa mga kasong child at sexual abuse sa Davao City.

Samantala, matapos ang pagdating ng mga pulis sa KOJC compound ay nagsagawa naman ng kilos-protesta ang mga tagasuporta ni Quiboloy at nanawagan ng hustisya para rito.

Hinikayat naman ng mga pulis ang KOJC  na manatiling kalmado at makipagtulungan sa pagsasagawa ng mga proseso sa korte na may kaugnayan sa pastor.