Kinuwestiyon ni P3PWD Party-list nominee Rowena Guanzon kung “brainwashing” ba umano ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-recite ang “Bagong Pilipinas” hymn at pledge sa flag ceremonies ng mga paaralan at mga ahensya ng gobyerno.
Sa kaniyang X post, iginiit ni Guanzon na kawawa umano ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan ng elementarya at sekondarya dahil sa bagong hymn at pledge na ipapa-recite sa kanila.
“Bagong panata na naman ? Kawawang mga bata sa public elementary schools at high school @DepEd_PH (Department of Education). Brainwashing ba yan?” ani Guanzon.
Binigyang-diin din ng dating Commission on Elections (Comelec) commissioner na dapat daw mas pagtuunan ng pansing ituro sa mga estudyante ang literacy at math kaysa sa bagong hymn at pledge.
“Mag double time kayo sa literacy at math. Number 1 na tayo sa lowest. Kulelat na Pilipinas! #mgainutil,” saad ni Guanzon.
Matatandaang nitong Linggo ng umaga, Hunyo 9, nang ilabas ng Malacañang ang Memorandum Circular (MC) No. 52, kung saan inaatasan ni PBBM ang national government agencies (NGAs) at instrumentalities, kabilang na ang government-owned o -controlled corporations (GOCCs) at educational institutions, na i-recite ang “Bagong Pilipinas” hymn at pledge sa kanilang weekly flag ceremonies.
Layon daw ng nasabing kautusan na higit na maitanim ang prinsipyo ng brand of governance ng “Bagong Pilipinas” sa mga Pilipino.