Inihayag ni Senate President Chiz Escudero na hindi siya tutol sa pagre-recite ng “Bagong Pilipinas” hymn at pledge sa flag ceremonies dahil wala naman daw personalidad na binabanggit o pinapaburan sa bawat kataga nito.

Matatandaang nitong Linggo, Hunyo 9, nang ilabas ng Malacañang ang Memorandum Circular (MC) No. 52, kung saan inaatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang national government agencies (NGAs) at instrumentalities, kabilang na ang government-owned o -controlled corporations (GOCCs) at educational institutions, na i-recite ang “Bagong Pilipinas” hymn at pledge sa kanilang weekly flag ceremonies.

Sa panayam naman ng mga mamamahayag nitong Lunes, Hunyo 10, sinabi ni Escudero na applicable lamang ang kautusan ng pangulo sa executive branch ng pamahalaan, at hindi sa legislative branch o sa judiciary branch.

National

PBBM, pinare-recite ‘Bagong Pilipinas’ hymn, pledge sa flag ceremonies

https://balita.net.ph/2024/06/10/senado-di-sakop-ng-direktiba-sa-bagong-pilipinas-hymn-pledge-escudero/

Sa kabila nito, kung siya ang tatanungin ay wala raw siyang nakikitang masama sa pag-awit at pagsambit ng mga katagang nagsasabing dapat magtulungan ang bawat Pilipino, at magkaroon ng pag-asa at ambisyong umangat ang kanilang bansa.

“Wala namang masamang awitin o sambitin ang mga katagang dapat meron tayong pag-asa, dapat magtulungan tayo, dapat ambusyunin nating umangat ang ating bansa, dapat magtulungan tayo. Wala naman akong nakikitang masama doon,” saad ng Senate president.

“Hindi lamang ito pagpapaalala sa ating mga sarili. Pagpapaalala din ito sa mga opisyal ng gobyerno, na ito ang mga bagay-bagay na pwedeng singilin sa amin ng ating mga kababayang aawit nito, lalong lalo na sa mga paaralan,” dagdag niya.

Gayunpaman, pag-aaralan pa rin daw ng sekretarya ng kapulungan kung ire-recite din sa Senado ang naturang hymn at pledge lalo na’t “first time” daw itong mangyayari kapag nagkataon.

“Ibabato ko pa rin ito sa sekretarya para pag-aralan. Dahil ayon sa kanila, tinanong ko kanina, ito yata ang kauna-unang pagkakataon na ito’y mangyayari dahil noong ni-require ‘yung ‘Bagong Lipunan’ ay wala yatang Senado noon… So ni-refer ko sa kanila, pag-aaralan nila,” aniya.

Ang tinutukoy ni Escudero na “Bagong Lipunan” ay ang awiting inutos ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang pangulo, na patuloy na tugtugin o kantahin sa panahon ng kaniyang rehimen mula 1965 hanggang 1986.

“Pero kung ako ang tatanungin, hindi ako tutol doon dahil wala namang namang personalidad o pangalang binabanggit at pinapaburan,” saad pa niya.