Pinuri ni Senador Risa Hontiveros ang pag-imbestiga ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at sinabing handang makipagtulungan sa kanila ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Hunyo 7, sinabi ni Hontiveros na hindi na raw siya nagulat kung may “kababalaghan” din hinggil sa pagbabayad ni Guo ng buwis.

“Halos lahat ng dokumento na may pangalan niya ay kwestiyonable. Mula sa birth certificate hanggang sa SALN, wala pa siyang napapaliwanag nang maayos,” ani Hontiveros.

“Handang makipagtulungan ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa isinasagawang imbestigasyon ng BIR.”

National

Matapos masuspinde: Mayor Alice Guo, umapela sa Ombudsman

“Nagpapasalamat din ako sa mga ahensya ng gubyerno sa kanilang sariling inisyatibo para mapanagot ang dapat managot,” dagdag niya.

Payo pa ng senadora sa alkalde: “Come clean. Sabihin niya na ang totoo bago pa mahuli ang lahat.”

Matatandaang nito lamang ding Biyernes nang simulan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ang imbestigasyon sa “tax fraud” laban kay Guo.

Bukod dito, kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado si Guo hinggil sa iba't ibang isyu, kabilang na ang kaniyang identidad at posibleng pagkasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Samantala, noong Lunes, Hunyo 3, nang isailalim ng Ombudsman sa ‘preventive suspension’ si Guo, at dalawa pang local officials ng Bamban, sa loob ng anim na buwan.

Naghain naman ang kampo ng alkalde ng motion for reconsideration with urgent motion to lift preventive suspension nitong Huwebes, Hunyo 6.