Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Linggo, Hunyo 2, na walang naitalang Pilipino na nasaktan sa gumuhong building sa Jeddah, Saudi Arabia kamakailan.

Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na sa pamamagitan ng kanilang Migrant Workers’ Office sa Jeddah (MWO-Jeddah) ay naiulat nilang walang Pinoy na nagtamo ng injury sa isang building na gumuho sa central Jeddah noong Biyernes, Mayo 31, 2024.

Ibinalita rin daw ng MWO-Jeddah kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac na binisita nila ang incident site at ilang mga kalapit na ospital upang masiguro kung may Pinoy na isinugod doon para gamutin.

“MWO-Jeddah assures that they will continue monitoring the situation and staying in touch with the Jeddah police, medical, and emergency services agencies to ensure the safety of Filipinos,” anang DMW.

National

405 sa 677 umano'y benepisyaryo ng confi funds ni VP Sara, walang record of birth sa PSA

Patuloy rin daw na magbibigay ang MWO-Jeddah ng updates sa DMW Central Office hinggil sa kalagayan ng mga Pinoy sa Jeddah kaugnay ng insidente.

Ayon umano sa mga naiulat sa Jeddah, nasa walong katao ang nailikas mula sa nasabing gumuhong building sa lugar.

Base naman sa preliminary reports na inulat ng ilang mga pahayagan, posible umanong ang “maintenance work” sa basement ng gusali ang naging dahilan ng insidente.