Ibinahagi na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga inihanda nilang aktibidad para sa selebrasyon ng "Araw ng Maynila" sa Hunyo 24, 2024.

Inimbitahan din ni Lacuna ang mga residente na makilahok sa ika-453 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

"I am inviting all Manilans to take part in the said activities and celebrate our beloved city's founding anniversary with us.  These are all being offered at no cost to the people of Manila," ayon sa alkalde.

Sinabi pa ni Lacuna na ang nasabing mga aktibidad ay magsisimula sa serye ng mga libreng konsiyerto na tinawag na "Tunog Maynila" at gagawin sa Kartilya ng Katipunan tabi ng Manila City Hall sa Hunyo 1, 8, 15 hanggang 22, 2024.

Ang nasabing concerts ay gagawin sa loob ng apat na Sabado at magtatampok sa magagaling at pangunahing banda sa bansa.

Bawat concert ay magkakaroon ng spectacular "Lights and Fireworks Show.”

Sasamahan ang nasabing concert series ng "Lasa Maynila," na isang food bazaar ng Mercato Central na magbubukas mula 4:00PM hanggang 11:00PM kada Biyernes, Sabado at Linggo para sa buong buwan ng Hunyo.

Ayon pa kay Lacuna, ang free concert na tinawag na "Musiko Maynila" na nagtatampok sa Metro Manila's top Marching  Bands ay gagawin kada Biyernes mula 5:00PM hanggang 6:00PM.

Tuwing Biyernes din, ang lungsod ay magkakaroon ng talent contest na tinawag na 'Talentadong Manileño' na iho-host ng 'Bekshies ng Maynila' at ito ay mula 6:00PM hanggang 10:00PM.

Samantala, tuwing Linggo naman ang Sunday dance competition na tinawag na 'Zumba Manila', na  inorganisa ng Manila SPTA.

Ito ay idaraos sa 'Move Manila' sa Roxas Boulevard.