Nilinaw ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Huwebes na ang mga solo parents na mayroon nang bagong asawa ay hindi na kuwalipikado upang tumanggap ng ayuda mula sa pamahalaang lungsod.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Lacuna kasunod nang nalalapit nang pagsisimula ng panibagong payout ng monthly cash aid para sa solo parents sa lungsod sa Hunyo.
Umapela rin naman si Lacuna sa mga punong barangay na tulungan silang ipaliwanag sa kanilang mga constituents kung sinu-sino lamang ang itinuturing na solo parents.
Nabatid mula sa ulat ni Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso, na may ilang residente ang nagsasabing sila ay solo parents upang makakuha ng monetary assistance mula sa lokal na pamahalaan, kahit batid nilang hindi na sila solo parents.
Tiniyak naman ni Fugoso, na kahit makalusot sila sa lokal na pamahalaan, ay hindi naman daw sila makakalusot sa mga 'marites' nilang kapitbahay, kaya't natutukoy pa rin nila kung sino talaga sa mga residente ang tunay na solo parents.
"Maaaring makalusot kayo sa amin pero may mga 'Marites' na kapitbahay kaya malalaman at malalaman din namin," dagdag pa ni Fugoso.
Ipinaliwanag naman ni Lacuna na maituturing lamang na solo parents ang isang residente kung ito ay walang katuwang sa pag-aalaga ng kanyang menor de edad na anak.
Sa sandali umanong mag-asawa itong muli o magkaroon ng bagong kinakasama, ay hindi na siya maituturing pang solo parent.
Umapela rin naman si Lacuna sa mga residente na hindi na maituturing na solo parent, na ibigay na ang kanilang slot sa mga magulang na tunay na mag-isang sumusuporta sa kaniyang anak at mas nangangailangan ng tulong.
Sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng Manila City government, ang mga solo parents ay tatanggap ng P500 na monthly cash assistance mula sa lungsod.