Isiniwalat ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang kaniya raw naging pamumuhay noong kaniyang kabataan bilang isang “love child,” kung saan ang sugat na idinulot daw nito ang dahilan kaya’t hindi siya nakasagot nang maayos sa naging pagdinig ng Senado kamakailan.

Sa kaniyang pahayag na inilabas nitong Lunes ng gabi, Mayo 20, humingi ng tawad si Guo sa mga politiko umanong naguguluhan sa kaniyang mga naging sagot sa nagdaang Senate hearing.

MAKI-BALITA: Mayor ng Bamban, Tarlac, walang school at hospital records?

“Hindi ko po sila masisisi, kasi hindi naman po nila batid na ang kasagutan na kanilang inaasahan, na maaaring magbibigay sa kanila ng kapayapaan ng pag-iisip ay siya naman pong mga sagot na sasariwa sa sugat na nalikha sa aking kamusmusan,” ani Guo.

National

Guo, pinatatanggalan ng kapangyarihang pangasiwaan ang Bamban police

Kaugnay nito, isiniwalat ng alkalde ang tungkol sa kaniyang mga magulang, partikular na ng kaniyang ina na iniwan daw siya noong bata pa lamang.

“Alang-alang sa aking mga kababayan na nagtitiwala at nagmamahal sa akin ay buong tapang ko pong sasabihin na ako po'y isang LOVE CHILD ng mahal kong ama sa aming kasambahay. Na ako po ay iniwan ng aking biological mother bata pa ako noon. At ako'y pinalaki at itinatago sa loob ng isang farm. Pinalaking matindi ang pag-iwas sa mga bagay na magbibigay sana sa akin ng pagkakakilanlan sa labas ng aming hog raising farm,” ani Guo.

“Iyan po ang mga kadahilanan na halos wala akong matandaang karanasan na nagmula sa isang normal na kamusmusan. Totoo po ang sinabi ko sa Senado na home tutoring lang po ang edukasyon ko. Na wala akong papel o diploma ng isang pormal na edukasyon kahit anomang baitang. At totoo pong nalaman ko na lamang ang pangalan ng aking mother ng maiparehistro ang aking kapanganakan noong ako'y isang tinedyer na,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa alkalde, “traumatic” daw para sa kaniya ang naging mga tanong sa Senate hearing tungkol sa kaniyang pagkatao.

“Iyan po ang mga tanong na ayaw ko na pong mabuksan, na sana ay mayroon akong mga sagot na makapagpaparamdam sa akin na ako'y isang normal din na nilalang,” ani Guo.

“Ang pag-iwas ko rin pong magsinungaling sa aking mga sagot ay sanhing pagmamahal ko at pag-aalala sa mahal kong ama. Sa kanyang edad na 70 ay ayaw ko na pong makaladkad siya sa aking pinagdaraanan. Nangarap po ako at nagsikap para sa isang normal na buhay sa kabilang kakulangan sa aking pagkakakilanlan.

At hangad ko noon hanggang sa ngayon na maipagmalaki ako ng aking ama kahit anak nya ako sa labas ng matrimonya.”

Sinabi rin ng alkalde na nais pa rin umano niyang matagpuan at makita ang tunay niyang nanay na nag-abandona sa kaniya.

“Hindi pa rin maiwaksi sa aking puso at isipan ang pagnanais na matagpuan at makita ang tunay kong ina, at madama ang kanyang tunay na pag-aruga, dahilan upang pinagsumikapan kong hindi mabunyag sa kahit saanmang usapan ang kanyang ginawang pag-abandona sa akin. Lalo na po sa Senado na nakatuon ang mga mata ng buong bayan. Dahil naniniwala pa rin po akong magkakatagpo kami, sana, sa tamang panahon at hindi sa pagkakataong hinugot sa isang imbestigasyon,” saad ni Guo.

“Sana nga po ay lumitaw na ang tunay kong ina at kanyang akuin ang pagluwal sa akin upang matigil na po ang mga pagdududa na ako’y isang espiya,” dagdag pa niya.

Matatandaang nabuksan ang pagdududa hinggil sa identidad ni Guo matapos imbestigahan sa Senado ang umano’y pagkakasangkot niya sa ni-raid na isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa lalawigan.

Samantala, itinanggi rin ng alkalde ang kaniyang pagkakasangkot dito.

Kaugnay na Balita: