Libu-libong Katoliko mula sa Archdiocese of Manila ang inaasahang makikiisa sa isasagawang “People's March and Prayer Against Charter Change” sa Mayo 22, 2024.

Batay sa liham sirkular na inilabas ni Manila Archdiocesan Chancellor Fr. Isidro Marinay, hinimok nito ang nasasakupan na makiisa sa pagtitipon na isasagawa sa harapan ng tanggapan ng Senado sa Pasay City mula 3:00PM hanggang 5:00PM.

National

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya

Inaasahang magpapatunog ng kampana ng mga simbahan na sakop ng arkidiyosesis, tuwing 4:00PM para sa natatanging intensyon.

"Our prayers in the Our Mother of Perpetual Help Novena will be offered for our country and leaders," bahagi ng mensahe ni Fr. Marinay.

Nabatid na ang pagkilos ay inisyatibo ng Caritas Manila, na social arm ng maimpluwensiyang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).

Tiniyak ng Caritas na paigtingin pa nila ang information drive sa mamamayan hinggil sa masamang idudulot sa pagpapalit ng konstitusyon.

"In this light, the Episcopal Commission on Social Action – Justice and Peace/Caritas Philippines and the Social Action Network, which is tasked to address this issue, would like to continue strengthening our anti-charter change campaign to ensure that our lay faithful are correctly informed and educated about the issues surrounding our Constitution," ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, na siyang pinuno ng Caritas.

Sa pagtaya ng Caritas, aabot sa 3,000 katao mula sa iba't ibang mga parokya, catholic institutions kabilang na ang mga paaralan sa Metro Manila at karatig lalawigan ang makikiisa sa naturang aktibidad.

Hinimok din ng mga obispo ang mga parokya na hindi makadadalo sa prayer rally sa senado na magsagawa ng kaparehong gawain sa mga parokya sa parehong oras.

Patuloy ang paninindigan ng CBCP laban sa charter change at iginiit na hindi napapanahong palitan ang kasalukuyang 1987 Constitution.

Hinikayat din nito ang pamahalaan na gumawa ng mga polisyang makatutugon sa pangunahing suliranin na kinakaharap ng bansa kabilang na ang kahirapan, kagutuman, at kawalang sapat na oportunidad sa mga Pilipino lalo na ang mga magsasaka at manggagawa.