Hinangaan sa social media ang malilit na bahay sa isang subdivision na ginawa raw para may masilungan ang stray cats tuwing mainit ang panahon o kaya nama’y umuulan.

Sa Facebook post ng page na “John Wood Works,” ibinahagi nitong ipinagawa sa kaniya ang naturang maliliit na bahay para sa stray cats.

“Sobrang Excited talaga ako ipost to 🙂 Pinagawa ito ni mam para sa mga stray cats para may masilungan sila pag mainit at maulan,” anang John Wood Works sa naturang post.

“Napakabait nyo mam super maraming salamat po 🙂 Outdoor Cat House 🥰🥰🥰,” dagdag nito.

Human-Interest

Paano nga ba mag-goodbye ang ilang Gen Zs bago mag-New year?

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Reginald John Merza Payos, owner ng John Wood Works, na dalawang outdoor houses para sa mga pusa ang ipinagawa sa kaniya para sa isang subdivision sa Parañaque City.

Naging mahalaga raw sa kaniya ang proyekto dahil siya rin mismo ay kumukupkop din ng stray cats at mayroon siya ngayong tatlong inaalagaan.

"Naisip ko na kung magagawa ko po iyon nang maayos, malaking tulong po sa stray cats sa lugar nila ma'am. May masisilungan na po sila kahit papaano," saad ni Payos.

Dahil sa layunin ng paggawa ng nasabing maliliit na bahay, agad itong nag-viral at hinangaan ng mga netizen.

Narito ang ilan sa kanilang mga komento:

“I dream of a place like this. A place where beautiful souls express God's love even to animals.”

“More Blessings to you, Ma’am.”

“Such a wonderful idea. Thank you for doing this. ”

“God bless always po, maraming salamat po sa kindness nyo, sana po maraming katulad nyo po. ”

“Dalawang palapag tapos meron pa siyang maliit na hagdan. Ang cute!!! ”

Habang isinusulat ito’y umabot na sa mahigit 3,700 reactions, 180 comments, at 1,700 shares ang naturang post.