Inihayag ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na galit umano sa kaniya ang “Marcos group” matapos niyang payagan si Committee Chair Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ipagpatuloy ang pagdinig hinggil sa umano’y nag-leak na dokumento mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sinabi ito ni Zubiri sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Lunes, Mayo 13.

“Galit ‘yung Marcos group sa akin, ‘yung mga loyalist, dahil daw pinayagan kitang mag-hearing ngayong araw na ito at noong nakaraang dalawang linggo,” mensahe ni Zubiri kay Dela Rosa.

“Ang pinoproteksyunan natin dito ay ang institusyon, ang Senado, because the Senate believes in the committee system. So, never narinig ni Senator Bato sa akin na itigil ‘yung committee,” dagdag niya.

National

PBBM, negatibo sa cocaine test noong 2021 – drug analysts

Samantala, binanggit din ni Zubiri na pinaalalahanan niya si Dela Rosa na maging maingat at siguruhing “evidence-based” ang naturang magiging pagdinig ng komite.

“As I said, reputational damage is being done when we put out disinformation, or fake news ika nga, kung walang ebidensiya. So mag-iingat lang po tayo,” ani Zubiri.

“Gusto ko po kapag nanonood po ang taumbayan sa atin, na patas po tayo at base sa ebidensya, para hindi po tayo dito gagamitin ng ibang grupo sa pamumulitika,” saad pa niya.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng komite ang umano’y nag-leak na dokumento sa PDEA na nagdadawit kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iligal na droga.

MAKI-BALITA: Ex-PDEA agent Morales, hinamon si PBBM na magpa-drug test

Kaugnay nito, kamakailan lamang ay ilang mga “pro-administration” na mambabatas sa House of Representatives ang kumwestyon sa pamamahala ni Zubiri sa Senado matapos niyang payagan si Dela Rosa na magsagawa ng pagdinig ukol sa isyung “sabi-sabi” lamang daw.

Bukod naman sa nasabing isyu, sinabi rin ng Senate leader na maging ang “Duterte group” ay galit umano sa kaniya matapos naman niyang lagdaan kamakailan ang warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy.

MAKI-BALITA: Zubiri, nilagdaan na arrest order vs Quiboloy

Kaugnay na Balita:

https://balita.net.ph/2024/05/13/sen-bato-kinuwestiyon-bakit-cocaine-test-lang-ginawa-kay-pbbm-noong-2021/

https://balita.net.ph/2024/05/13/morales-inungkat-pagiging-convicted-ni-jinggoy-estrada-sa-senate-hearing/

https://balita.net.ph/2024/05/13/estrada-dinuro-si-morales-huwag-mong-pakikialaman-ang-kaso-ko/