Negatibo ang resulta ng cocaine test ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2021, pagtestigo ng drug analysts sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, Mayo 13.

Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Lunes, sinabi ni drug analyst Geresza Reyes mula sa St. Luke's Medical Center - Global City, na lumagda sa drug test ni Marcos noong 2021, na base sa kanilang pagsusuri ay negatibo siya sa cocaine test.

“As to the analysis, may lumabas po na line. So, sa drug test kit natin, meron doon ‘yung control line at saka ‘yung line for the drug analyte. Doon sa resulta, may lalabas po talaga siya na line as negative,” ani Reyes.

Samantala, ipinaliwanag ni Dr. Cecilia Lim, head ng drug testing laboratory ng St. Luke's Medical Center - Global City kung bakit lumabas na raw ang resulta ng test sa loob ng 2 minuto at 54 segundo.

National

‘Para pak na pak!’ Impeachment complaint vs VP Sara, next year na dapat tanggapin – Gadon

“‘Yung 2 minutes and 54 seconds po, kaya po talaga ng drug testing kit. Mabilis pong lumabas ‘yung resulta. ‘Yung sinasabi nilang 5 minutes, ‘yun ang maximum time na ia-allow namin na lumabas ‘yung line ng drug test. Kapag lumabas po ‘yung linya, hindi na po mawawala ‘yun, negative na kayo. Pero ‘yung naghihintay kayo na mag-aappear yung linya, hanggang 5 minutes po yung maximum,” paliwanag ni Lim.

“So 40 to 50 seconds, may resulta na po,” dagdag pa niya.

Samantala, kinumpirma ni Lim na “cocaine” lamang umano ang klase ng drug test kay Marcos noong presidential aspirant pa lamang siya noong 2021.

Tinanong naman ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, chairman ng komite, kung bakit cocaine lamang ang tinest kay Marcos.

“‘Yun po ‘yung hiningi niya,” ani Lim.

“Hiningi ni?” tanong ni Dela Rosa.

“No’ng pasyente,” sagot ni Lim.

“Sinong pasyente?” pagpapaklaro ni Dela Rosa.

“Si Marcos po… then senator Marcos,” saad ni Lim.Kaugnay nito, muling iginiit ni Dela Rosa na bakit umano cocaine lamang ang ginawa kay Marcos at hindi para sa iba pang droga tulad ng “marijuana” at “shabu.”

“Lahat ng tao dito sa Pilipinas, magpa-drug test, hindi naman nagtatanong na i-test n’yo ko sa cocaine, i-test n’yo ko sa shabu, i-test n’yo ko sa marijuana. Wala. Pupunta ako sa inyo, magpa-drug test para ‘pag mag-negative, dadalhin ko ‘yung dokumento, maga-apply ako ng trabaho. ‘Yun lamang naman ang ginagawa namin,” giit ni Dela Rosa.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng komite ang umano’y nag-leak na dokumento sa PDEA na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., maging sa aktres na si Maricel Soriano, sa iligal na droga.

KAUGNAY NA BALITA: Ex-PDEA agent Morales, hinamon si PBBM na magpa-drug test

Samantala, matatandaang taong 2021 nang sinabi ni Marcos, na noo’y tumatakbo pa lamang bilang pangulo ng bansa, na nagpa-cocaine test siya at negatibo ang naging resulta.

Ito ay matapos sabihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon umanong isang presidential aspirant na gumagamit na “cocaine,” bagama’t hindi niya pinangalanan kung sino ito.