May bagong operating hours na ang Manila City Library (MCL).
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ito ay kaugnay ng adjustment ng work schedule na ipinaiiral ng lokal na pamahalaan.
Ani Lacuna, ang main library ng lungsod na matatagpuan sa Taft Avenue ay bukas mula Lunes hanggang Sabado mula 7:00AM hanggang 7:00PM maliban na lamang kung holidays.
Sa kabilang banda, ang ibang sangay naman ng MCL ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes, mula 7:00AM hanggang 4:00PM.
Ayon sa lady mayor, ang pagbabasa ng pisikal na aklat ay may dalang karunungan at karanasan na hindi makukuha sa internet.
Binigyang-diin din niya na hindi lahat ng mga impormasyon sa Google ay totoo at hindi rin ito sapat.
Tiniyak pa ni Lacuna na ang MCL ay patuloy na tutulong sa pagbibigay ng quality educational services na higit na magpapataas sa antas ng karunungan ng mga mag-aaral na Manilenyo.
Nabatid na ang MCL ay nakatanggap na ng iba't-ibang karangalan at pagkilala mula sa national government nitong mga nakalipas na taon.
Iniulat naman ni Mylene Villanueva, hepe ng MCL, sa alkalde na may 167 barangays at 11 paaralan na ang kanilang nabisita sa kanilang layunin na mapalapit sa mga residente.