Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Mayo 9, na may binabantayan itong mga kumpol ng kaulapan o cloud clusters na posibleng maging low pressure area (LPA) at pumasok ng Philippine area of responsibility (PAR) sa mga sumusunod na araw.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni Weather Specialist Rhea Torres na kapag naging LPA na ang naturang cloud clusters at pumasok ng PAR, inaasahang makaaapekto ang trough o extension nito sa ilang bahagi ng Mindanao.
“Sa ngayon po ay hindi pa rin ito nakaaapekto sa anumang bahagi ng ating bansa,” ani Torres.
Pagdating naman sa magiging lagay ng panahon sa loob ng 24 oras, inihayag ni Torres na may tsansang makaranas ng mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat sa ilang bahagi ng Northern Luzon dahil sa namamataang kaulapan dito.
Samantala, patuloy pa rin daw ang mainit na panahon sa natitirang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko. Bukod dito ay posible pa rin naman umano ang mga pulo-pulong pag-ulan, lalo na sa hapon o gabi, dahil na rin sa epekto ng localized thunderstorms.