Binawi ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang nauna niyang panukala na naglalayong opisyal nang gawing Agosto ang simula ng pasukan sa mga eskwelahan.

Sa isang press conference nitong Lunes, Abril 29, sinabi ni Zubiri na binawi niya ang inihain niyang Senate Bill 788 dahil sinusuportahan na raw niya ang mga panawagang ibalik sa dati ang school calendar sa bansa, kung saan Hunyo hanggang Marso ang pasukan.

Ayon kay Zubiri, nais na niyang gawing bakasyon ng mga estudyante ang panahon ng tag-araw dahil sa kasalukuyang init ng panahon na nararanasan sa bansa.

“I withdrew the measure [dahil] gusto po nating suportahan ang mga panukala na nagsasabi na ibalik ang kalendaryo ng ating eskwelahan sa dati, which was March break until June,” ani Zubiri.

National

Asynchronous classes ipapatupad sa Abril 29, 30

“Nakita naman po natin na sa sobrang init ng panahon ngayon, napakadelikado para sa ating mga kabataan at sa ating mga guro na ituloy itong klaseng school system and school calendar,” dagdag niya.

Binanggit din ng Senate president na pinag-aralan daw nila ang resulta ng school calendar sa nakalipas na dalawang taon, at napag-alaman umano nilang mas marami ang bilang ng pagsuspinde ng mga klase ngayong may klase ang panahon ng tag-init, kaya noong may pasok ang panahon ng tag-ulan o mga bagyo.

“Ngayon po, halos linggo-linggong nagkakaroon ng school suspensions, because it is not really conducive to the learning environment kung nasa 35°C to 40°C ‘yung init ng panahon sa loob ng mga paaralan nila,” giit ni Zubiri.

“Kaya’t I’m hoping that DepEd (Department of Education) Secretary [Sara] Duterte can push for the restoration of the former summer classes or summer break which was second week of March until second week of June,” saad pa niya.

Matatandaang muling inanunsyo ng DepEd kamakailan ang pagsasailalim sa asynchronous o distance learning ng mga klase sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa mula nitong Lunes, Abril 29, hanggang ngayong Martes, Abril 30, dahil na rin sa init ng panahon.

Samantala, nito lamang Lunes ay 33 lugar sa bansa ang nakaranas ng “dangerous” heat index, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

https://balita.net.ph/2024/04/29/33-lugar-sa-bansa-nakaranas-ng-dangerous-heat-index-nitong-lunes/

Kaugnay na Balita:

https://balita.net.ph/2024/04/25/alamin-mga-sintomas-ng-heat-related-illnesses-at-mga-dapat-gawin-kapag-nakaramdam-nito/