Ang pag-access sa impormasyon ay mahalaga para sa pag-unlad ng lipunan.

Ayon sa United Nations (UN), ang pag-access sa impormasyon ay lumilikha ng mga mamamayan na may kakayahang gumawa ng matalinong pagpili, subaybayan ang kanilang pamahalaan, at makakuha ng mga kaalaman tungkol sa mga desisyon na makaaapekto sa kanilang buhay. Sa katunayan, nang ipinagtibay ng UN Member States ang 2030 Agenda for Sustainable Development, kinilala nila ang karapatan sa impormasyon bilang isang mahalagang instrumento para sa pagkamit ng napapanatiling pag-unlad.

Ngayon, gamit ang mga teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon o ICT, ang mga pamahalaan ay maaaring mahusay na magbahagi ng impormasyon sa publiko at payagan silang gamitin ito sa pamamagitan ng open data policies.

Ang konsepto ng open government data ay nagiging mahalagang kasangkapan para sa mga bansa upang himukin ang paglago at pag-unlad. Ang open data ay tumutukoy sa impormasyong machine-readable o maaaring i-download mula sa Internet, at malayang maibahagi at magamit ng publiko.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang open government data ay nakatutulong na mapabuti ang pagiging epektibo ng mga pamahalaan sa paghahatid ng mas mahusay na mga serbisyong pampubliko. Itinataguyod din nito ang transparency. Makatutulong din ito sa pagbuo ng isang kapaligiran na nagtataguyod ng pagbabago at inobasyon.

Malaki ang pakinabang ng datos ng gobyerno hindi lamang sa mga pampublikong institusyon, kundi pati na rin sa pribadong sektor, lipunang sibil, mamamayan, at sa mas malawak na ekonomiya.

Halimbawa, ang open government data ay nagbibigay-daan sa mga negosyo na muling gamitin ang mga ito upang makagawa ng mga value-added product at sa kalaunan ay magbibigay-daan sa kanila na magkaroon ng mas maraming kita, lumikha ng mas maraming trabaho, magbayad ng mas maraming buwis, na magdudulot ng pagunlad sa parehong lokal at pambansang ekonomiya.

Ilang mga bansa na ang nagtatag ng kanilang open data policy at may kani-kanilang open data portal gaya ng iniulat sa publication na, “Open [Government] Data Policies and Practices: Select Country Cases” na ipinatupad ng United Nations Development Programme (UNDP) in Kazakhstan at ng Astana Civil Service Hub (ACSH). Kabilang sa mga bansang ito ay ang Canada, Estonia, Republic of Korea, at ang European Union.

Sa Pilipinas, hindi pa natin lubusang nagagamit o napakikinabangan ang mga data na nabuo at nakolekta ng gobyerno. Mayroon pa ring ilang mga hadlang—kabilang ang kakulangan ng standardized na online data ng gobyerno na humahadlang sa interoperability, at ang kawalan ng mga patakarang naghihikayat sa paglalathala ng data sa open format. Ang mga ito ay humahadlang sa atin sa paggamit ng buong benepisyo ng pagkakaroon at pag-access ng data ng gobyerno.

Ayon din sa nabanggit na UNDP-ACSH publication, may mga open data principles na maaaring gumabay sa mga gobyerno na suriin kung hanggang saan lamang ang government data na maaring ibahagi at ma-access ng publiko.

Kabilang sa mga prinsipyong ito ay: completeness (lahat ng pampublikong data na hindi napapailalim sa wastong privacy, security, o privileged limitation ay dapat na available); primacy (ang data ay nakolekta sa pinagmulan, hindi sa pinagsama-sama o binagong porma); timeliness; kadalian ng pisikal at elektronikong pag-access; machine readability; non-discrimination (ang data ay makukuha ng sinuman, nang walang kinakailangang pagpaparehistro); paggamit ng commonly owned standards; license-free (ang data ay hindi napapailalim sa anumang copyright, patent, trademark, o trade secret regulation); pagiging permanente; at mga gastos sa paggamit.

Ang mga open data policy ay mahalaga sa tungkulin ng pamahalaan, pakikilahok ng mga mamamayan, paglago ng pribadong sektor, at pangkalahatang pag-unlad ng bansa. Napakahalaga na simulan natin itong gawin at ma-optimize ang impormasyon at data na mayroon tayo upang sa laban tungo sa sustainable at inclusive development, hindi tayo maiwan.