Pagkakalooban ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng free rides ang mga solo parents ngayong Sabado, Abril 20, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Solo Parent's Day.
Batay sa advisory ng LRT-2 at ng MRT-3, nabatid na ang naturang libreng sakay ay ipapatupad nila sa peak hours ng operasyon ng mga naturang linya, o mula 7:00AM hanggang 9:00AM, at mula 5:00PM hanggang 7:00PM.
Kailangan lamang umano ng mga naturang solo parents na magpakita ng balidong solo parent's ID o Solo Parent Certificate of Eligibility sa stations personnel upang makapag-avail ng libreng sakay.
"Ayon sa pamunuan ng LRTA, ang libreng sakay sa LRT-2 ay para makapagbigay ng inspirasyon sa mga solo parent na mag-isang itinataguyod ang kanilang pamilya," anang Light Rail Transit Authority (LRTA), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2.
"Tayo po sa LRTA, batid natin 'yung bigat ng responsibilidad ng mga solo parent. Kaya naman sa pagdiriwang na ito, sana maiparamdam ng LRTA ang aming paghanga at pasasalamat sa inyo sa pamamagitan po ng handog naming libreng sakay," pahayag naman ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera.
"Saludo po ang MRT-3 sa lahat ng solo parents na ubos-lakas na nagsasakripisyo upang maitaguyod ang kanilang mga anak. Hangad po namin na sa aming libreng sakay ay mapasaya namin sila sa kanilang espesyal na araw. Nawa po ay maipadama namin sa lahat ng solo parents ang aming paghanga at pagpapahalaga sa kanilang mga sakripisyo," saad naman ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
Ang LRT-2 ay bumabaybay mula Recto Avenue sa Maynila hanggang sa Antipolo City sa Rizal.
Ang MRT-3 naman ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.