Upang makatulong sa pagtupad sa kanilang tungkulin, pinagkalooban ng Manila City Government ng mahigit sa 270 handheld radio units ang pamunuan ng Manila Police District (MPD), nabatid nitong Miyerkules.

Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pag-turn over ng mga naturang handheld radio units kay MPD Director PGEN Arnold Thomas Ibay, kasama sina City Administrator Bernie Ang at Alma Galvez, chief administrative officer ng Manila Anti-Drug Abuse Office.

Nabatid din na ang mga nasabing units ay binili ng Manila Peace and Order Council, kung saan si Lacuna ang nagsisilbing chairman at si Ang naman ang vice chairman.

Ayon kay Lacuna, ang pagkakaloob ng mga naturang kagamitan ay maliit na pamamaraan lamang ng Manila City government upang ipakita ang kanilang suporta at pasasalamat sa epektibong pagpapanatili ng mga tauhan ng MPD sa kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng Maynila.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

"It is because of the MPD, of course through the leadership of Gen. Ibay, that all of us who reside in Manila are able to go about our daily lives without having to worry about being victimized by criminal elements and also sleep soundly at night," pahayag pa ng lady mayor.

Samantala, sinabi naman ni Ang na ang mga city officials ay nasa likod ni Lacuna at nakasuporta sa kanyang commitment na ipagkaloob ang lahat ng uri ng suporta na kakailanganin ng MPD.

Ayon pa kay Ang, inatasan rin sila na patuloy na maghanap ng mga pamamaraan upang palakasin pa ang kakayahan ng MPD upang mapanatili ang taguri dito bilang 'Manila's Finest.'

Sa kanyang panig naman, nagpahayag naman si Ibay ng labis na pasasalamat kay Lacuna dahil sa ipinagkaloob na donasyon.

Muli ring tiniyak ng heneral ang commitment ng MPD na panatilihing ligtas ang mga lansangan ng Maynila laban sa kriminalidad sa lahat ng pagkakataon.