Mag-ingat sa mga transaksyong kahina-hinala sa online world, lalo na sa social media!
Nagbibigay-babala ang Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police o PNP sa tinatawag na "middleman scam," isang modus na nagaganap sa Facebook Marketplace kung saan nangyayari ang online selling at buying ng iba't ibang produkto.
Isang scammer mula sa Sampaloc ang naaresto umano ng pulisya dahil sa paglabag sa Article 315 (Estafa/Swindling) ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 6 of RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang siste sa middleman scam, mula sa salitang "middleman," ang scammer ay sinasabing magpo-post ng larawan ng kaniyang produktong kunwari ay itinitinda. Kapag may kumagat na buyer, sasabihan niya itong ipadala na ang bayad at ang transaction receipt.
Ang transaction receipt naman na ipinadala ng buyer sa suspek ang gagamitin niya sa original seller. Ipadadala niya ito sa original seller ng produkto, at sa kaniya maipadadala ang produkto.
Ang buyer naman, na nabiktima, ay walang matatanggap na produkto kahit siya ang nagbayad nito. Saka naman hindi na magpaparamdam o iba-block na siya ng scammer.
Sa ganitong modus nahuli ang lalaki sa Sampaloc, Maynila kung saan 10 units ng modems ang ipinagbenta niya kunwari.
Ayon sa panayam kay PNP-ACG director Sidney Hernia, nadiskubre ang modus sa tulong na rin ng motorcycle rider na magdedeliver sana ng mga "biniling" produkto sa bahay ng scammer.
“The delivery was processed but was later cancelled when the real seller didn't receive the payment. With the motorcycle rider's assistance, they discovered that they were caught in a middleman scam,” ani Hernia sa ulat ng Manila Bulletin.
Kaya paalala niya sa publiko, bago bumili ng items online, makabubuting busisiin munang mabuti ang profile ng seller, larawan, reviews, at ratings.
"It is also important to use secure payment methods that offer buyer or seller protection. Communicate directly through the official contact information and avoid dealing with intermediaries or third parties who claim to facilitate the transaction," aniya pa.