Tinatayang aabot sa 600 siklista ang nakiisa sa idinaos na 394th Marikina Day Bike Fest nitong Linggo, Abril 14, sa lungsod.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, ang pinakamatandang kalahok ng naturang bike fest ay may edad na 89-anyos, na residente ng Barangay Concepcion Dos.

“Based on the registration of participants, the oldest cyclist who joined was Oscar Gomez, 89 years old. There were also some children who participated in the 394th Marikina Day Bike Fest,” anang alkalde.

Ipinagmalaki rin naman ng alkalde na maganda ang kinalabasan ng aktibidad dahil sa dami ng mga bikers na nakiisa dito.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

“The turnout was really great. Many people came out, at least 600 bikers participated,” aniya pa.

Sinabi ni Teodoro na kabilang sa adbokasiya ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang ligtas na pagbibisikleta sa lungsod.

"Dine-develop natin ang bike facilities natin dito sa Marikina. At ang isa pa nating i-de-develop ay ‘yung mga shower areas, shower rooms changing areas para doon sa mga nag-bibisikleta lalo na doon sa Bike to Work,” aniya. “Kung saan gagawin, dito sa ating Engineering Department at dito sa malapit sa Central Parking.”

Plano rin aniya nilang magtayo ng bike park para sa mga residente.

Kaugnay nito, inimbitahan naman ni Teodoro ang mga residente na lumahok at manood ng mga festivities na inihanda ng city government sa Abril 16 para sa ika-394th Foundation Day ng Marikina City.

“Lahat ay inaanyayahan natin. Mayroon tayong mga regional festival na gagawin, starting around 5:30 in the afternoon dito sa Marikina Sports Complex,” aniya.  “At pagkatapos niyan, makakakita tayo ng isang bonggang-bonggang na fireworks display at magkakaroon tayo ng drone show na kung saan sine-celebrate o pinapakita ang pagdiriwang ng Marikina sa kanyang pagkakatatag. Sa Marikina, mahalaga ang bawat isa, mahalaga ang pamilya.”

Nabatid na dakong alas-6:00 ng umaga nang makiisa ang mga bikers sa bicycle parade at race, paikot sa Marikina City. Sinundan ito ng bicycle exhibition sa Marikina Freedom Park.

Nagpa-raffle naman ang pamahalaang lungsod ng mga bisikleta at mga bike equipment para sa mga kalahok at nagkaloob rin ng special awards sa mga bikers.

Ani Mayor Teodoro, ang Marikina City ay matagal nang may network ng bike lanes simula pa noong 1996.