Napaluha si Manila Mayor Honey Lacuna nang pangunahan niya ang pormal na inagurasyon ng newly-rehabilitated at fully-airconditioned na Dr. Alejandro Albert Elementary School (DDAES) sa Sampaloc, Maynila nitong Lunes.
Ito’y matapos na mabatid na ang gymnasium ng naturang paaralan ay ipinangalan sa kanyang yumaong ama na si dating Vice Mayor Danny Lacuna.
“What made this inauguration very special ay ang pagpapangalan sa tatay ko. Kaya pala lahat ng kapatid ko, nanay ko, nandirito,” ayon sa alkalde, na nasorpresa rin sa pagdalo ng kanyang inang si Melanie ‘Inday’ Honrado-Lacuna, at kanyang mga kapatid sa inagurasyon, gayung hindi naman umano nila ito karaniwang ginagawa sa mga iba pang city government events.
Bukod naman sa mga kaanak ng alkalde, dumalo rin sa inagurasyon sina dating Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Armand Andres, City Architect Pepito Balmoris at City Electrician Randy Sadac, fourth district councilors at mga barangay at school officials.
Sa kanyang talumpati, hinamon naman ni Lacuna ang mga guro na tapatan ng husay sa pagtuturo sa kanilang mga mag-aaral, ang ganda ng kanilang paaralan.
“Isang hamon sa mga gurong narito... kung ano ang ganda ng gusali, dapat ganun din kaganda ang edukasyon na ibibigay natin sa ating mga mag-aaral lalo na kung elementary,” aniya pa. “Ang paaralan ang pangalawang tahanan ng mga mag-aaral at ang mga guro ang mga pangalawang magulang ng mag-aaral. In fact, baka mas matagal pa sa loob ng paarlaan ang mga bata kesa sa loob ng tahanan...ano ba naman ang isang magandang gusali kung di naman tutumbasan ng magandang edukasyon?"
Pinuri at pinasalamatan din naman ni Lacuna si Moreno na siyang nagpasimuno sa pagpapaayos at pagpapaganda ng naturang paaralan, bilang pagtupad sa kanyang mga pangarap.
Aniya, “Iba talaga pag me pangarap na bawat Manilenyo ay mabigyan ng magandang edukasyon. Nagsisimula sa magandang pasilidad kasi me looking forward ang mga guro at mag-aaral na pasukan ang paaralan na di lang maganda kundi kaaya-aya ding mabigyan ng de kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral.”