Noong ipinakikilala pa lamang ang mga single-use plastic, sinasabing ito ay mas mahusay na alternatibo sa mga nananaig sa merkado noon, gaya ng mga supot na gawa sa papel at tela. Ngunit wala pa man ang isang siglo matapos ang hindi sinasadyang paglikha nito noong 1933, muli tayong bumabalik sa mga supot na papel at tela bilang mas magandang alternatibo sa mga plastic.

Ipinakita ng United Nations Environment Programme (UNEP) kung paano naging “in demand” ang plastic bag, at kung paano natin sinusubukan ngayon na malampasan ang ating adiksyon dito.

Noong 1933, ay hindi sinasadyang nalikha ang polyethylene, ang pinakakaraniwang ginagamit na plastic, sa isang planta ng kemikal sa Northwich, England. Una itong ginamit nang lihim ng militar ng Britanya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pag-patent ng one-piece polyethylene shopping bag ay nangyari noong 1965 ng Swedish company na Celloplast.

Noong 1979, 80 porsiyento ng merkado ng mga supot sa Europa ay plastic at nagsimula na rin itong kumalat sa Amerika at sa iba pang bahagi ng mundo. Sa pagtatapos ng dekada 80, halos napalitan na ng disposable plastic bag ang mga paper bag sa buong mundo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa sumunod na dekada, noong 1997, natuklasan ng marino at mananaliksik na si Charles Moore ang Great Pacific Garbage Patch. Ayon sa UNEP, ito ang pinakamalaki sa ilang gyre sa mga karagatan sa mundo kung saan naipon ang napakaraming basurang plastic. Ito ay sapat na katibayan upang mapagtanto ang negatibong epekto ng single-use plastics sa mga nabubuhay sa dagat.

Sa paglipas ng mga taon, natuklasan natin ang mga mapaminsalang epekto ng single-use plastic sa ating karagatan, sa ating ecosystem, at sa ating sariling kalusugan. Bukod pa riyan, napag-alaman sa isang pag-aaral na ang plastic ay may malaking kontribusyon sa mga greenhouse gas (GHG) emissions.

Ayon sa pag-aaral ng Center for International Environmental Law (CIEL) 2019, ang Plastic & Climate: The Hidden Costs of a Plastic Planet, ang plastic ay nag-aambag sa GHG mula sa produksyon nito hanggang sa kung paano ito pinamamahalaan bilang isang basura.

Ang pag-aaral ay nagsiwalat na kung ang produksyon at paggamit ng plastic ay lumago gaya ng kasalukuyang pinaplano, pagsapit ng 2030, ang GHG emissions mula sa mga plastic ay maaaring umabot sa 1.34 gigatons bawat taon, na katumbas ng mga emisyon na inilabas ng higit sa 295 bagong 500-megawatt coal-fired power plants.

Pag-iwas sa mga single-use plastic

Noong 2002, ang Bangladesh ang naging unang bansa na nagpatupad ng pagbabawal sa mga manipis na plastic bag. Noong 2019, nagkabisa ang direktiba ng European Union (EU) sa pagbabawas ng epekto ng ilang produktong plastic sa kapaligiran. Noong 2020, nangako ang China na palakasin ang pambansang kontrol sa polusyon ng plastic. Mayroong ilan pang mga bansa na nagpapasimula ng mga pagsisikap na bawasan ang paggamit ng mga disposable plastic.

Sa Pilipinas, bagama’t may ilang lokal na ordinansa na kumokontrol sa paggamit ng disposable plastic, ang produkto ay makikita pa rin kahit saan.

May mga panukalang nakabinbin sa Kongreso na naglalayong magpataw ng buwis sa mga single-use plastics, ngunit hindi pa ito umuusad.

Tunay na isang hamon na iwasan o ihinto ang paggamit ng mga disposable na plastic dahil na rin sa kaginhawahang dulot nito sa ating buhay. Ngunit maaari natin itong iwasan ng paunti-unti. Hindi pa naman isang siglo ang nakalilipas nang una tayong gumamit plastic. Kaya’t kung ang henerasyon noon ay nabuhay nang wala ito, tiyak na kaya rin natin, lalo na kung talagang gusto nating gawing malinis at malusog ang planeta natin sa mga darating na dekada.