Pinigilan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga residente laban sa paliligo sa Baseco at Dolomite beach, gayundin sa mga estero upang makaiwas sa posibleng panganib sa kalusugan.

Ayon kay Lacuna, mahigpit ang pagbabawal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa paliligo sa Dolomite beach habang mataas naman ang coliform sa Baseco beach at madumi rin ang tubig sa mga estero na maaaring magdulot ng health hazards kung maliligo doon.

"Sana po sa ating mga kababayan na init na init naman po ngayon, sana po naman ay 'wag nyo nang subukan pa na magtampisaw sa Dolomite at saka sa Baseco beach," pahayag pa ni Lacuna, nitong Miyerkules.

Sa halip, hinikayat na lamang ng alkalde ang mga Manilenyo na magtungo sa mga public swimming pools sa lungsod upang doon maglangoy para mabawasan ang alinsangang kanilang nararamdaman bunsod ng matinding init ng panahon sa bansa dahil sa kumbinasyon ng summer season at El Niño phenomenon.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Inatasan na rin ni Lacuna si Public Recreations Bureau chief Roland Marino na pagandahin at tiyaking malilinis ang mga pool venues ng lungsod bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga residenteng maliligo doon.

Mahigpit din ang kautusan ni Lacuna kay Marino na magtalaga ng mga life guards at life savers sa mga swimming venues upang matiyak ang kaligtasan ng swimming public na magtutungo doon.

Ayon kay Lacuna, libre naman ang paliligo sa venue ngunit kailangan aniyang i-regulate at i-schedule ang mga bisita sa first-come, first-served basis, upang maiwasan ang congestion at kalituhan.

Nabatid na kabilang sa mga swimming pool na maaaring libreng magamit ng mga residente ay ang Patricia Sports Complex swimming pool sa District 2, Tondo; Paraiso ng Kabataan swimming pool sa District 3 sa Santa Cruz; Arturo Tolentino swimming pool sa District 4, Sampaloc;  Bagong Buhay swimming pool sa District 5 sa Paco at JCC swimming pool sa District 6 sa Pandacan.

Ang Tondo Sports Complex sa District 1 ay mayroon rin umanong swimming pool na isinasailalim sa renovation kaya’t pansamantala muna itong sarado sa publiko.