Makinig, girls and ladies!
May payo si dating Department of Health (DOH) secretary, ngayon ay Iloilo 1st district Rep. at House Deputy Majority Leader Janette Garin sa kababaihan ngayong summer at napakainit ng panahon.
Aniya, walang halong malisya, subalit mas mainam daw na huwag nang magsuot ng panty o undergarment kapag nasa loob lang naman ng bahay.
"Lalo na sa tag-init, wala lang malisya no, pero kung nasa bahay ka lang naman or matutulog, it's quite advisable na walang underwear pero naka-pajama ka naman or naka-shorts," saad ni Garin sa isang media conference, Lunes, Abril 1, ayon na rin sa ulat ng Manila Bulletin.
Makabubuti raw ito upang mahanginan ang sensitibong bahagi ng katawan ng mga babae at maiwasan ang fungal infection. Paglilinaw niya, hindi naman daw ito sexually transmitted disease o STD kaya wala silang dapat ipangamba. Ito raw ay dulot ng pamamawis dahil sa labis na init.
"Kapag medyo basa, napapawisan, at medyo mainit 'yong panahon, eh 'yan ay perfect petri dish para dumami 'yong ating fungi... kaya siya nagiging makati," paliwanag pa niya.
Iginiit ni Garin na hindi ito STD at hindi nakakahawa.
Paalala pa ni Garin, kung sakaling mangati ang singit ng kababaihan, makabubuting huwag itong kamutin upang maiwasang lumala. May mga gamot naman daw para sa fungal infection na puwedeng ipanremedyo. Ang mahalaga raw, panatilihing tuyo ang private part.
Samantala, anuman ang kasarian mo, kapag mainit ang panahon at nasa bahay ka lang naman, narito ang ilang tips:
- Pagbukas ng mga bintana at pintuan sa tamang oras. Iwasan ang pagbukas ng mga bintana at pintuan sa oras na sobrang init na, tulad ng mga oras ng tanghali kung kailan mataas ang araw. Mas mainam na buksan ang mga ito sa madaling-araw o sa gabi kapag ang temperatura ay bumababa na.
- Pagkain ng malamig na pagkain. Iwasan ang pagkain ng mga mainit na pagkain tulad ng sabaw o sopas kapag mainit ang panahon. Subukang kumain ng mga malamig na prutas, gulay, o salad upang mapanatili ang katawan na malamig.
- Pag-inom ng maraming tubig. Mahalagang iwasan ang dehydration sa panahon ng mainit na panahon. Uminom ng sapat na tubig at iwasan ang sobrang dami ng kape, tsaa, o mga inuming may caffeine na maaaring makapagpabawas ng tubig sa katawan.
- Paggamit ng electric fan o air conditioning. Kung mayroon kang electric fan o air conditioning, gamitin ang mga ito upang mapanatili ang kaginhawahan sa loob ng bahay. Subukang maging mahinahon ang temperatura para hindi masyadong maging malamig na maaaring makapagdulot ng respiratory problems. Huwag magtipid kung nakasalalay naman ang kalusugan, sabi nga ng isang netizen.
- Pagpapahinga. Kapag sobrang init, importante ang magpahinga at hindi masyadong magpuyat. Magpapahinga sa isang lugar na may sapat na sirkulasyon ng hangin at kung maaari, ilagay ang mga paa sa taas upang mapadali ang pagdaloy ng dugo.
- Pag-iwas sa paglabas sa araw. Kung hindi naman kailangan, iwasan ang paglabas sa ilalim ng araw sa mga oras ng tanghali hanggang hapon kung kailan sobrang init. Kung kinakailangan lumabas, magsuot ng panlabas na panlaban sa init tulad ng sombrero, shades, at maglagay ng sunscreen.
- Pag-iwas sa masyadong malalasang pagkain. Iwasan ang pagkain ng masyadong malalasang pagkain tulad ng matatamis o maalat na pagkain na maaaring makapagpataas ng presyon ng dugo sa katawan.
- Pagsusuot ng maluluwag na damit. Ang maluluwag na damit ay nagbibigay ng sapat na sirkulasyon ng hangin sa iyong katawan kaysa sa mga dikit na damit na maaaring magdulot ng paninikip at pagkainit. Ito ay makakatulong sa pagpapawis ng katawan at pagpapalamig sa init. Puwede mong alisin ang dalawang manggas ng mga pinaglumaang damit kaysa naman nakatago lang sa aparador.
Sa ganitong paraan, mapapanatili mo ang iyong kalusugan at kaginhawaan sa panahon ng mainit na panahon habang nasa loob ng bahay.
MAKI-BALITA: Saloobin ng netizen tungkol sa ‘Aircon Now, Pulubi Later’ umani ng reaksiyon