Matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi nila isusuko ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS), iginiit ng kapatid niyang si Senador Imee Marcos na huwag dapat umano sila maging padalos-dalos at “basag-ulo,” bagkus ay unahin ang “kapayapaan” para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Sa isang pahayag nitong Lunes, Abril 1, sinabi ni Sen. Imee na sa kasalukuyan daw ay mas nangingibabaw ang “emosyon” sa halip na “rason” sa maritime conflict ng Pilipinas at China.

Ngunit mas mainam umano kung unahin ang pagsusulong ng “kapayapaan” sa naturang isyu.

“There’s no shame in pursuing peace. Whatever action that may put any Filipino in danger is a gross irresponsibility and must be avoided at all costs.”

National

PBBM sa muling pag-atake ng China: ‘We will not be cowed into silence’

“Hindi ako papayag na malagay sa panganib ang buhay ng kahit isang Pilipino. Subalit malinaw rin sa akin na hindi dapat isinusuko ang ating mga karapatan sa [WPS],” ani Imee.

“Maging matatag tayo sa gitna ng hamon na ito, ngunit dapat manaig ang kalmadong pag-iisip, mahinahong pananalita, at kalkuladong mga desisyon,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa senador, nagsisimula raw ito sa pamamagitan ng “maayos na pakikipag-usap sa China” at iba pang bansang claimant din ng naturang mga isla sa WPS.

“Huwag tayong padalos-dalos, huwag tayong basag-ulo upang ating mapangalagaan ang kapakanan ng ating mamamayan,” saad ni Imee.

Matatandaang kamakailan lamang ay nanindigan ang kapatid ni Sen. Imee na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi isusuko ng pamahalaan ng Pilipinas ang karapatan nito sa WPS.