Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Marso 25, na maliit ang tsansang may mabuo o pumasok na bagyo sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) sa buong pagdiriwang ng Semana Santa.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, sinabi ni PAGASA Weather Specialist Obet Badrina na sa kasalukuyan ay wala silang namamataang alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob at labas ng PAR.
“Posible para sa Holy Week na ito ay maliit ang tsansang magkaroon tayo ng bagyo,” ani Badrina.
Pagdating naman sa magiging lagay ng panahon sa susunod na 24 oras, inihayag ng PAGASA na inaasahan ang "fair weather" sa malaking bahagi ng bansa dahil sa pag-iral ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.
Kaugnay nito, inaasahang magdudulot din ang easterlies ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas at Caraga.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, malaki rin ang tsansang magdala ang easterlies, maging ang localized thunderstorms, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Matatandaang noong Biyernes, Marso 22, nang ideklara ng PAGASA ang pagtatapos ng Amihan season at pagsisimula ng tag-init sa bansa.