Naglalaro ng golf si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa Timor Leste nang matagumpay siyang maaresto ng mga awtoridad nitong Huwebes, Marso 21, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sa pahayag ng DOJ, ibinahagi nitong naaresto si Teves, na nahaharap sa iba’t ibang murder charges dahil sa umano’y pagkasangkot sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, dakong 4:00 ng hapon nitong Huwebes sa Dili East Timor habang naglalaro ito ng golf sa Top Golf Driving Range and Bar.
Naging posible umano ang pag-aresto kay Teves sa pamamagitan ng pagtutulungan ng law enforcement agencies, kabilang na ang International Police (INTERPOL) National Central Bureau (NCB) sa Dili at sa pakikipag-ugnayan sa East Timorese Police.
Nasa ilalim na umano ng kustodiya ng Timorese Police si Teves, habang inaasikaso na rin daw ng NCB-Dili, sa pakikipag-ugnayan sa grupong mula sa NCB-Manila at Dili Philippine Embassy, ang kaniyang extradition sa Pilipinas.
Ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, ang naturang pag-aresto kay Teves ay isang testamento sa kapangyarihan ng “international cooperation.”
“It sends a clear message that no terrorist can evade justice and that nations stand united in safeguarding the safety and security of their citizens,” pahayag ni Remulla.
“The capture of Teves only proves that through concerted efforts and determination, terrorism can be thwarted and peace preserved.
“Rest assured that the DOJ remains committed to providing regular updates on Teves’ return to the Philippines,” saad pa niya.
Hinamon naman ni Remulla si Teves na harapin ang paglilitis nang walang hinihinging mga kondisyon.
“Face your long-delayed trial without setting any conditions, face the courts squarely,” ani Remulla.
Matatandaang noong Marso 4, 2023 nang masawi si Degamo, kasama ang walo pang sibilyang nadamay, matapos silang pagbabarilin ng armadong grupo sa harap ng bahay nito sa lungsod ng Pamplona.
Ilang araw matapos ang insidente, inihayag ni Remulla na isa si Teves sa mga tinitingnan nilang mastermind sa pagpaslang sa gobernador.