Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagdinig ang panukalang bawiin ang prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Sa isang sesyon nitong Miyerkules, Marso 21, lumabas na 284 sa mga mambabatas ang bumotong pabor sa House Bill 9710 na naglalayong bawiin na ang prangkisa ng Swara Sug Media Corp., na nagpapatakbo sa SMNI.
Samantala apat ang bumotong hindi sang-ayon sa naturang panukala, habang apat ding mambabatas ang nag-abstain.
Inihain umano ni ni 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez ang naturang panukala dahil sa umano’y pagpapakalat ng SMNI ng mga maling impormasyon, pagiging sangkot sa “red-tagging,” at paglilipat ng ownership nang walang “congressional approval.”
Matatandaang kamakailan lamang ay naghain ng contempt order ang House Committee on Legislative Franchises laban kay Quiboloy dahil sa paulit-ulit umano nitong hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay ng naturang prangkisa ng SMNI.
Bukod naman sa kinahaharap ng SMNI, matatandaang nag-isyu kamakailan ang Senado ng arrest order laban kay Quiboloy matapos nitong pagulit-ulit na hindi dumalo sa imbestigasyon ng Senate Committee hinggil sa umano’y mga pang-aabusong kinasasangkutan ng pastor at ng KOJC.
https://balita.net.ph/2024/03/19/zubiri-nilagdaan-na-arrest-order-vs-quiboloy/