Ipinangako ni San Miguel Corporation President at CEO Ramon Ang na magiging saksakan na nang linis ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa susunod na taon.

Sa video interview ng "Politiko" kay Ang sa naganap na concession agreement para sa Public-Private Partnership (PPP) Project sa Kalayaan Hall na nasa Palasyo ng Malacañang nitong Lunes, Marso 18, sinabi ni Ang na sa loob lamang ng anim na buwan ay "saksakan na nang linis" ang paliparan sa ilalim ng kanilang pangangasiwa.

"Pagagandahin, ay within six months from the time we take over, September to next year March before Holy Week, naku saksakan na nang linis 'yon," ani Ang.

Bukod sa kalinisan, ipinangako rin ni Ang na aayusin din ang ventilation at palalawakin pa ang terminal para sa mga pasahero upang mas marami pang maupuan o magsilbing waiting area. Ang mga opisina raw na hindi kailangan ay aalisin at ililipat ng lugar.

"Pati 'yong air-condition magiging malamig na, at dadami na upuan. Alam n'yo, eventually after two to three years, 'pag natapos 'yong bagong passenger terminal na itatayo natin... madedecongest na rin ang terminal 1, 2, 3... kasi marami ngayon sa terminal 1, 2, 3 mga offices, mga kung-ano-ano, na nag-occupy ng space na dapat para sa mga passenger, eh napunta sa kanila. So gaganda po 'yan, short term, six months, wala nang traffic..."

Bukod kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., dumalo rin sa nabanggit na event sina Transportation Secretary Jaime Bautista, Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Jose C. Ines, at House Speaker Martin Romualdez.

Matatandaang kamakailan ay naging kontrobersiyal ang NAIA dahil sa mga surot na nagbigay-perwisyo sa ilang mga pasahero.

MAKI-BALITA: ‘May surot sa NAIA?’ MIAA, nag-sorry sa mga nakagat na pasahero

Pagkatapos nito, ilang mga daga naman ang naispatang pagala-gala sa loob ng vicinity ng terminal.

MAKI-BALITA: Pagkatapos ng surot: Daga, nakita rin daw sa NAIA

MAKI-BALITA: Hindi lang surot at daga? Ipis, ‘namasyal’ din sa NAIA