Bayaning maituturing ang isang aso sa Panabo City, Davao del Norte matapos nitong ibuwis ang kaniyang buhay at makipaglaban sa isang makamandag na cobra na posibleng umatake sa kaniyang fur parents.
Base sa viral post ni Cindy Sandigan, 36, pag-uwi nilang pamilya sa kanilang bahay ay tumambad sa kanila ang gutay-gutay na cobra at ang kanilang Belgian Malinois dog na si “Yugo” na wala na ring buhay.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Sandigan na nangyari ang engkuwento ng 7-year-old nilang asong si Yugo at ng cobra noong Biyernes, Marso 15.
Nang araw na iyon, umalis daw silang pamilya dakong 4:00 ng hapon dahil sinamahan nilang mag-asawa ang kanilang 11-anyos na anak sa training nito sa swimming sa Tagum City.
“Around 10 pm po kami nakauwi. Pagpasok po namin sa gate, only Ally po ang sumalubong sa amin. Si Ally po ang partner ni Yugo and she is pregnant po now. And my daughter noticed na hindi gumagalaw si Yugo, so I was assuming na natutulog lang since madilim ‘yung labas sa bahay sa may garage,” kuwento ni Sandigan sa Balita.
“Akala ko ‘yung mga nakakalat sa floor ay poops lang ng mga dog. But unfortunately by the time na inilawan na ng husband ko ‘yung nakakalat sa sahig, we are so shocked na nakita namin ‘yung gutay-gutay na body ng ahas and that comes to our senses na patay na si Yugo.”
Doon na raw naging emosyonal sina Sandigan, dahil sobrang napamahal na sa kanila si Yugo na first pet dog din daw niya.
“Grabeng emotional kaming tatlo nang time na na-discover naming wala na si Yugo. We are trying na kalmahin namin mga sarili namin.
“Naging emotional kami lalo knowing that Yugo risked his own life just to protect us from any danger na maidudulot ng cobra kung sakali na makapasok ito sa house po namin that night. We knew that Yugo that time was trying to trap the snake by all cost na hindi makapasok sa house, kasi makikita po sa may wall bandang main door ‘yung mga talsik ng dugo from the snake,” saad ni Sandigan.
Dating damuhan daw ang lugar na pinagtayuan ng subdibisyon ng bahay nina Sandigan. Samantala, pangatlong beses na raw ang naturang pakikipagbuno ni Yugo sa cobra.
“Sa character ni Yugo, very protective po talaga sa amin. Sa oras na may lumalapit sa gate na stranger talagang hindi niya inaatrasan,” saad ni Sandigan.
Sa gitna naman ng kanilang pagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang mahal na fur baby, nagfo-focus din daw ang pamilya ngayon sa isa nilang pet dog at partner ni Yugo na si Ally na nakitaan din nila ng pagkalungkot.
“Sad po siya. Dalawa lang kasi sila now. Nakaka-recover naman na siya. Kinakausap lang namin palagi para hindi ma-stress. Kawawa kasi may puppies pa sa tummy. Much better siya today kasi nagba-bark na. Last friday and Saturday night, walang tahol kang maririnig and very unusual for Ally kasi playful siya na aso,” saad ni Sandigan.
Rest in Peace, Yugo!
Kaugnay na Balita: