Binalot ng isang pasahero ang kaniyang bagahe dahil sa takot na baka bumalik na raw ang “tanim-bala” modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos maging usap-usapan ang mag-asawang nakitaan ng bala sa kanilang bag.

Sa panayam ng “Frontline Pilipinas” ng News5, ibinahagi ng first-time overseas Filipino worker (OFW) pa-Australia na si “Jehover” na binalot niya ng plastik ang kaniyang maleta sa takot na mabiktima umano siya ng “tanim-bala.”

“Binalot ko na lang, saka nilagyan ko pa rin ng cable tie para sure. Kasi sabi nila, kapag zipper, madali lang butasan. So binalot ko na lang nang ganito,” aniya.

Ang naturang pangyayari ay matapos mapabalitang nakitaan ng isang naka-plastik na bala ang bag ng mag-asawang pasahero sa NAIA na magtutungo sa Thailand.

National

‘Tanim-bala?’ Mag-asawang pasahero sa NAIA, hinarang dahil sa nakitang bala sa bag

Itinanggi naman ng misis na si “Charity” na sa kanila ang bala at ipinakita ang lisensya ng kaniyang baril na kaiba umano sa balang nakita sa bag.

Samantala, iginiit ng Office for Transportation Security (OTS) na hindi totoong bumalik ang “tanim-bala” sa NAIA.

“Tanim-bala is a thing of the past. We can always present all available data, pictures and video para mapasinungalingan namin ‘yung sinasabi nila,” giit ni OTS Officer-in-Charge Jose Briones sa isang panayam ng GMA News kamakailan.

Ayon pa kay Briones, posible umanong sa mag-asawa talaga ang naturang bala dahil gumagamit daw ang mga airport ng automated system para ma-screen ang mga gamit ng mga pasahero.

Pinanindigan naman ni Charity na hindi sa kanila ang naka-plastik na balang nakita sa kanilang bag.

https://balita.net.ph/2024/03/15/its-a-thing-of-the-past-ots-itinangging-bumalik-na-ang-tanim-bala-modus-sa-naia/