Binigyang-diin kahapon ni Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francis Zamora na ang ginawa nilang pagbabawal sa mga e-vehicles, kabilang ang mga e-trikes at mga e-bikes sa mga national road sa Metro Manila, ay hindi pahirap sa mga mamamayan at sa halip ay para lamang sa kaligtasan ng lahat.

Ang pahayag ay ginawa ni Zamora sa kanyang ginawang pagdalo sa grand opening sa San Juan City ng bago at kauna-unahang sangay ng Chuan Kee restaurant, na matatagpuan sa Ongpin sa Maynila, na itinuturing na pinakamatandang fastfood chain sa Manila Chinatown, nitong Biyernes.

Ayon kay Zamora, hindi tama na may mga e-trikes at e-bikes na dumaraan sa mga national road na siyang daanan ng malalaking mga sasakyan, gaya ng mga truck at iba pa.

“Gusto ko pong ipaintindi sa lahat na ito ay para sa kaligtasan ng bawat isa dahil hindi naman po tama na mayroong mga e-trikes at e-bikes na dumaraan sa mga national roads kung saan dumaraan rin ang mga trucks at mga malalaking sasakyan.  This is for everyone’s safety,” aniya pa.

Metro

400 cancer at dialysis patients, natulungan sa People's day sa Maynila

Paglilinaw pa ni Zamora, “Hindi naman ito total ban.  Ang sinasabi lang natin ay hindi pwede sa national roads.”

Binigyang-diin pa ng ng alkalde na ang mga local government units (LGUs), gaya ng San Juan, ay may awtoridad sa ilalim ng local autonomy na mag-prescribed ng mga kalye kung saan lamang maaaring dumaan ang mga naturang e-vehicles.

Ito aniya ang mga kalyeng sa tingin nila ay ligtas na daanan ng mga e-vehicles.

Dagdag pa ni Zamora, “hindi po ito pahirap sa ating mga mamamayan.  Ito po ay isang paraan upang tiyakin ang kaligtasan dahil nakita nating tumataas ang mga aksidente sa mga lansangan.”

Ang pagbabawal ng mga e-vehicles sa mga national roads ay inaasahang magiging epektibo na sa Abril 15.

Una nang sinabi ni Zamora na maglalabas sila ng mga guidelines hinggil sa naturang resolusyon upang maiwasan ang kalituhan hinggil dito.