Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagbibigay ng parangal sa mga natatanging babaeng empleyado ng Manila City Hall, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso.

Ang naturang aktibidad ay ginanap sa Palma Hall ng Universidad de Manila at may temang "Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!"

Sa kanyang mensahe para sa nasabing okasyon, sinabi ng alkalde na napapanahon na upang magningning naman ang mga kababaihan.

“It’s our time to shine!!!” aniya pa, at pinuri ang iba’t ibang departamento, tanggapan at mga bureau ng city government dahil sa paghahanda ng mga aktibidad para sa National Women's Month.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ipinagmalaki rin naman ng alkalde na maraming kababaihan ang nagsisilbi bilang head o assistant head ng mahahalagang departmento, bureaus at mga tanggapan sa Manila City Hall.

Sinabi pa ni Lacuna, na siyang kauna-unahang alkaldeng babae sa kasaysayan ng Maynila, na talagang malaki na ang ipinagbago ng panahon.

Pinuri rin niya ang mga kababaihan sa ngayon matapos na patunayang kaya rin nilang gawin ang mga ginagawa ng mga kalalakihan.

Sa naturang okasyon, na inorganisa ng Manila City Personnel Office sa pakikipagkolaborasyon sa Manila Department of Social Welfare, na nasa ilalim ng pamumuno ni Re Fugoso, nanawagan rin si Lacuna sa mga maybahay na huwag ibaba o maliitin ang kanilang mga tungkulin, dahil hindi aniya madaling trabaho ang pangasiwaan ang isang tahanan.

Hinikayat din ng alkalde ang mga ito na magsumikap na magkaroon ng kaalaman sa ilang livelihood skills na maaari nilang ma-avail ng libre sa pamamagitan ng mga programang iniaalok ng lungsod, upang makatulong sila na madagdagan ang income o kita ng kanilang pamilya.