Agad na binawian ng buhay ang isang alagang aso sa Malate, Maynila matapos itong pagsasaksakin ng isang Koreano na nakagat umano ng stray dog.

Sa ulat ng Manila Bulletin, ibinahagi ng Manila Police District (MPD) na nakagat ng stray dog ang Koreanong nakilalang si Jung Seong Ho, 42, habang naglalakad siya sa Remedios Street, Barangay 700 sa Malate dakong 4:10 ng madaling araw noong Sabado, Marso 9.

Dumiretso naman daw ang Koreano sa kalapit na grill house upang humingi ng tulong na mahugasan ang kaniyang sugat sa paa.

Naroon daw sa loob ng grill house ang alagang asong nagngangalang “Ericka.”

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Kuwento ng pulisya, pagpasok ng Koreano sa establisyemento ay agad daw siyang tinulungan ng mga waiter at dinala sa comfort room para hugasan ang nakagat nitong paa.

Samantala, matapos mahugasan ang kaniyang sugat, kinuha umano ng Koreano ang isang kutsilyo sa kusina ng grill house at lumabas kung saan matatagpuan ang ibang mga aso.

Pagkalabas naman daw ng alagang aso ng grill house na si “Ericka,” agad umano itong kinorner ng Koreano at sinaksak nang apat na beses, dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Sinaksak din umano ng Koreano ang isa pang stray dog bago niya itapon ang kutsilyo at bumalik pa sa CR ng establisyemento.

Naaresto naman umano ang suspek noon ding Sabado matapos rumesponde ang Remedios Police Community Precinct (PCP). Binigyan daw ito ng anti-rabies medication bago dalhin sa pulisya at isailalim sa kustodiya ng MPD.

Hinala ng pulisya, posibleng iritable ang suspek matapos siyang makagat, dahil kaya’t napagbuntungan niya at sinaksak ang ibang mga aso sa lugar na wala namang kasalanan sa kaniya.

Nahaharap ngayon ang Koreano sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act of 1998 at malicious mischief.