Binigyang-diin ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang kahalagahan ng pagkakaroon ng healthy lifestyle, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Philippine Heart Month.

Ang pahayag ay ginawa ng alkalde sa launching ng "Ka-heartner, Puso and Piliin Health Fair" nitong Lunes, Marso 11, 2024, sa Marikina Sports Center bilang bahagi ng Philippine Heart Month festivities, katuwang ang Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ng Department of Health (DOH).

Sa naturang aktibidad, sinabi ni Teodoro na mahalaga ang pagkakaroon ng malusog na pamumuhay upang mailayo ang sarili sa iba’t ibang karamdaman at matiyak ang isang malusog na komunidad.

"Disease prevention ang pangunahing nating layon dito," aniya pa.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

"And this is part of our definition of resiliency that we are not only able to respond to the challenges on health; on problems that we encounter during calamities but more importantly prevention and control," dagdag pa ng alkalde.

Aniya pa, ang lokal na pamahalaan ng Marikina ay nagpapatupad ng mga programa na naglalayong tiyakin ang kalusugan at kapakanan ng mga nasasakupan nito.

Dagdag pa rito, kinikilala rin aniya ng pamahalaang lungsod ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga open space sa paligid na malayang magagamit ng publiko para makapag-ehersisyo, mag-relaks at maglibang.

"Sa Marikina ay may programa tayo para dito at mga pasilidad na dinevelop para rito tulad ng parks and playgrounds kung saan nagagamit as exercise area ng mga tao. Hindi na nila kailangan pang pumunta sa mga mamahaling gym or pribadong lugar kung saan pwede silang makapag-exercise," aniya.

"Our exercise areas in Marikina are public in nature. Mayroon tayong integrated bike lane dito sa Marikina na hindi lang as alternative transport mode kundi ginagamit din natin ito to promote a healthy lifestyle. Imbes na sumakay ng sasakyan, puwedeng maglakad okaya ay puwedeng mag-bisikleta," dagdag pa ni Teodoro.

Paniniguro pa ng alkalde, ang lahat ng health facilities sa lungsod ay accredited sa ilalim ng Universal Health Care system.

Mayroon din aniya silang mga super health centers kaya’t accessible ang mga health facilities nila at available ang health services na kailangan ng mga tao.

“Hindi lang para gamutin sila for purposes of the diagnostic requirement ng mga taong may sakit o mga may nararamdaman," ani Mayor Marcy.

Sa kanyang panig, hinikayat naman ni DOH-MMCHD Regional Director Rio Magpantay ang publiko na gawin ang makakabuti para sa kanilang puso. "Puso ang piliin. Ano ba ang ibig sabihin na pisikal na puso ang piliin? Ang ibig sabihin po noon dapat ay aalagaan natin ang ating puso dahil sa kasalukuyan po ay halos No. 1 or No. 2 na rason ng mga namamatay dahil sa sakit sa puso, dahil sa cancer, dahil sa stroke, lahat po iyan ay related din naman sa ating puso."

"Kaya nga po, ‘pag pinili na natin ang ating mga puso, ano ang ating gagawin? Diet, again pagpili na naman iyon; exercise, pagpili na naman iyon; our mental health, anti-stress activities, pagpili na naman iyon; pati po ‘yung pakikisalamuha pati ang pagkikipag-ugnayan sa tao, ang pagiging masaya ay isa rin pong pagpili," aniya.

Ang “Ka-heartner, Puso ang Piliin Ngayong Heart Month" program ay magsisilbing platform upang isulong ang kalusugan ng puso ng mga local senior citizens, high-risk groups, at stakeholders sa lungsod.