Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernres, na simula sa Marso 28, Huwebes Santo, ay pansamantala munang ititigil ng Philippine National Railways (PNR) ang kanilang operasyon sa Metro Manila.

Ito’y upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.

Ayon sa DOTr, kabilang sa pansamantalang isasara ng PNR ay ang kanilang Governor Pascual-Tutuban at Tutuban-Alabang operations.

“The Philippine National Railways (PNR) will temporarily halt its Governor Pascual-Tutuban and Tutuban-Alabang operations to accelerate the construction of the North-South Commuter Railway (NSCR) project in Metro Manila. The halt in operations will commence on March 28, 2024,” abiso ng DOTr.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Sinabi ni DOTr Undersecretary for Railways Jeremy Regino na ang huling biyahe ng PNR ay sa Marso 27, Miyerkules Santo.

Ayon naman kay DOTr Secretary Jaime Bautista, magtatagal ang tigil-operasyon ng PNR hanggang sa tuluyang matapos ang konstruksiyon at magsimula ang operasyon ng NSCR.

Sa isang kalatas, ipinaliwanag pa ni Bautista na nagpasya silang suspendihin ang operasyon ng PNR sa Metro Manila upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero habang isinasagawa ang konstruksiyon ng NSCR.

Anang DOTr,  sa panahon ng suspensiyon ng operasyon sa Metro Manila, inaasahang bibilis ang konstruksiyon ng NSCR ng walong buwan.

Ito ay magreresulta anila upang makatipid ang pamahalaan ng P15.18 bilyon mula sa proyekto.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng DOTr na katuwang ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), ay naghanda na sila ng mga alternatibong bus routes upang siyang magsakay sa mga pasaherong maaapektuhan ng suspensiyon ng operasyon ng PNR.

Anang DOTr, ang mga bus sa ruta ng Tutuban hanggang Alabang at pabalik ay inaasahang magbababa at magsasakay ng mga pasahero malapit sa kasalukuyang ruta ng PNR.

Nabatid na ang mga southbound buses ay daraan sa Divisoria (Tutuban), Mayhaligue Street, Abad Santos Avenue, Recto Avenue, Legarda Street, Quirino Avenue, Nagtahan Flyover, Mabini Bridge, Quirino Avenue, Osmeña Highway, Nichols Entry, SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, at Alabang (Starmall).

Samantala, ang mga northbound buses naman ay daraan sa Alabang (Starmall), Manila South Road, East Service Road, Alabang (Entry), SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, Nichols Exit, Osmeña Highway, Quirino Avenue, Legarda Street, Recto Avenue, Abad Santos Avenue, Mayhaligue Street, at Divisoria (Tutuban).

Ang mga biyahe naman ng bus sa Tutuban-Alabang (Southbound) route ay ganap na 7:30 AM, 9:10 AM, 3:00 PM, 3:20 PM, 7:30 PM, at 9:00 PM habang ang bus trips naman sa Alabang-Tutuban (Northbound) route ay 5:00 AM, 6:30 AM, 11:00 AM, 11:45 AM, 5:00 PM, at 6:10 PM.

Anang DOTr, inaasahan nilang sa tulong ng NSCR, na isang state-of-the-art 147-kilometer rail line, ay mababawasan ang travel time mula Clark, Pampanga, hanggang Calamba, Laguna ng hanggang halos dalawang oras na lamang.

Inaasahan ding makakaya nitong magsakay ng hanggang 800,000 pasahero kada araw at makatutulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Metro Manila, na magreresulta naman sa paglakas ng ekonomiya sa mga lungsod at munisipalidad na daraaanan nito.